Takot mawala si John

Dear Dr. Love,

Una sa lahat, nais kong magpasalamat sa pagbasa mo sa aking liham at sa mahalagang payo na ibibigay mo sa akin. Kumusta sa iyo at sa lahat ng mga bumubuo ng PSN, ang pangunahing tabloid sa bansa sa kasalukuyan.

Tawagin mo na lamang akong Kaye, 18 years-old at nag-aaral ng Bachelor of Science in Information Technology. Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong column at hinahangaan ko ang mga payong ibinibigay ninyo sa mga dumudulog sa inyo ng kanilang mga problema.

Mula pa noong first year college ako, may isang lalaking nakabihag sa aking puso. Hanggang ngayon ay wala pa akong karanasan sa pag-ibig.

Aaminin ko po na minahal ko na si John pero ang problema ay hindi pa ako handang makipag-boyfriend hanggang sa ngayon.

Hindi ko ito masabi sa kanya sa pangambang baka huminto siya ng panliligaw sa akin. Natatakot din akong magalit siya sa akin.

Litung-lito po ako ngayon at hindi ko malaman ang aking gagawin. Ayaw ko siyang mawala sa akin pero ang diprensiya ay hindi pa ako handang makipagrelasyon dahil baka magsisi lang ako sa bandang huli.

Sana po ay matulungan ninyo ako.

Lubos na umaasa,

Kaye


Dear Kaye,


Salamat sa liham mo at sana ay maunawaan mo ang payo ko sa iyong problema.

Alam mo, ang pag-ibig ay isang uri ng sugal. May natatalo at may nananalo. Kung takot ka sa ganitong uri ng pakikipagsapalaran at hindi ka pa kamo handang makipagrelasyon, makabubuting sabihin mo na kay John ang tunay na score ng kanyang panliligaw.

Maaaring ayaw mong pagsabayin ang iyong pag-aaral at pakikipagnobyo. Puwes, mamili ka lang sa isa kung hindi mo kayang pagsabayin ito.

Timbangin mo ang iyong sarili kung ano ang mas makabubuti para sa iyo at sa iyong pamilya at sa pagtanaw mo sa hinaharap.

Baka naman ang ikinatatakot mo ay lalayo siya sa iyo sakalit sabihin mo ang totoo. Mabuti ngang mas maaga ay nalalaman mo ang tunay niyang ugali.

Hindi naman masama na sabihin mo sa kanya na sa ngayon ay ayaw mong makipagnobyo dahil mas gusto mong harapin muna ang iyong pag-aaral.

Kung totoo siya ng nilalayon sa iyo, handa naman siyang makapaghintay lalo na't kung nahahalata naman niyang gusto mo rin siya.

Huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa sa pagsasabi ng totoo.

Kung takot kang sumugal at isugal ang hinaharap, huwag mo nang paghintayin pa si John. Sa sandaling makatapos ka sa pag-aaral at mayroon nang mahusay na trabaho, mas maraming John ang pamimilian mo.

Huwag kang magmadali at huwag kang matakot na mawalan ng manliligaw.

Dr. Love

Show comments