Isa po ako sa libu-libo ninyong mambabasa at kinagigiliwan ko pong subaybayan ang inyong pitak na hitik ng magagandang aral.
Kaya naman sumulat ako sa inyo para ipaabot ang aking problema sa pag-ibig na alam kong kayang-kaya ninyong maanalisa at malapatan ng payo.
Mayroon po akong babaeng matagal nang nililigawan. Boto sa kanya ang Mama ko at mga kapatid ko dahil bukod sa kababata ko siya, kasundo nila ang ugali nito.
Pero kahit na magkakilala na kami at alam niyang gusto siya ng mga magulang ko, pinahihirapan pa niya ako. Ang akala kasi niya, utos lang ni Mama ang panliligaw ko sa kanya.
Kasi naman, nahihiya ako noon na manligaw dahil kaibigan niya ako. Kinukuwentuhan ko siya ng aking mga crush. Pero ang hindi niya alam, isa na siya sa mga babaeng may kursunada na ako noon pa man.
Hindi po ba likas naman sa isang kabataan na magkaroon ng maraming crush? Tutal ay alam naman niya na ni isa sa mga nabanggit kong crush ko ay hindi ko naman talaga niligawan. Palipad-hangin lang.
Ano po ba ang mabuti kong gawin para paniwalaan niya ako na talagang love ko siya?
Hindi niya pinapansin ang mga pabulong-bulong kong palipad-hangin. Talaga namang ganyan lang akong manligaw. Kimi kasi akong manligaw nang pormal.
Kailangan ko po bang baguhin ang istilo ng panliligaw? Nababaduyan po ako sa ganyang istilo.
Sana po, matulungan ninyo ako at more power to you.
Lito
Dear Lito,
Salamat sa liham mo at naliligayahan kami na malamang tagasubaybay ka ng aming pahayagan.
Tungkol sa problema mo, siguro mabuting makausap mo nang pormal ang babaeng nililigawan mo at huwag mong daanin sa biro at pagpapalipad-hangin ang pagsasabi ng damdamin mo.
Bistado ka pala ng babaeng ito sa marami mong crush at may dahilan siyang magsabi na parang pinilit ka lang ng pamilya mo para ligawan siya.
Sabihin mo sa kanya kung ano ang sinabi mo sa liham mo at iparamdam mo sa kanya na talagang mahal mo siya.
Mahal ka rin niya kaya lang gusto niyang makasiguro sa iyo.
Dr. Love