Advance Happy Valentine's Day.
A pleasant day to you. Just call me Ms. Leo, 18 years-old. Isa po ako sa tapat na tagasubaybay ng inyong column. Araw-araw ko po itong binabasa dahil nabe-bless po ako sa mga advice ninyo.
Ang problema ko ay may nangyari sa amin ng pamangkin ng tiyahin ko. Ang sabi niya sa akin ay pakakasalan daw niya ako. Ang kaso, bago may nangyari sa amin ay sila muna ng kapatid ko.
Naguguluhan po ako ngayon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Minsan ay naiisip ko na magpakamatay para matapos na ang problemang ito.
Kaya ko naibigay ang sarili ko sa kanya ay dahil mabait siya at mahal na mahal niya ako. Ginawa niya ang lahat mahalin ko lang siya.
May boyfriend din ako sa probinsiya at mahal na mahal ko siya. Sino ba sa kanila ang pipiliin ko? Paano kapag nalaman ng kapatid ko, boyfriend ko at mga parents ko ang nangyari sa akin. Matatanggap pa kaya nila ako?
Sana ay matulungan mo ako sa problema ko. Halos gabi-gabi ko itong iniiyakan dahil nasasaktan ako.
Thank you po and more power.Lubos na gumagalang,
Ms. Leo
Dear Ms. Leo,
Walang tao ang hindi nagkakamali. Ang mahalaga, sa tuwing nagkakamali tayo'y may aral tayong natututuhan.
Alam mong mali ang ginawa mo kaya magsisi ka't huwag mo nang uulitin.
Kung ang lalaking iyan ay nagkaroon din ng relasyon sa kapatid mo, ibig sabihi'y isa siyang mapagsamantala at hindi dapat paniwalaan ang kanyang mga pambobola. Nasa iyo ang huling pagpapasya kung sino ang pipiliin mo dahil ikaw ang higit na nakakakilala sa dalawang lalaki sa buhay mo.
Dr. Love