Nawa'y datnan kayo ng liham ko na nasa mahusay na kalagayan. Idinadalangin ko na sana'y mabigyan ninyo agad ng kasagutan ang problema ko sa pag-ibig.
Nobyembre 1999 nang una kong makita si Mr. M.P. dito sa aming lugar. Galing siya ng probinsiya at tumutuloy siya sa tahanan ng kanyang ate.
Naging maganda ang umpisa ng aming pagkakaibigan. Noon ding taon na iyon ay nagkaroon siya ng girlfriend na naging dahilan ng aming pag-iiwasan at hindi pagbabatian. Halos nasira ang aming pagkakaibigan dahil pinaniwalaan niya ang mga tinahi-tahing kasinungalingan ng kanyang girlfriend.
Masyado akong nasaktan dahil naramdaman ko nang may lihim na akong pagmamahal sa kanya na nagawa kong itago dahil ayaw kong masira ang aming friendship. Hanggang sa magdesisyon akong lumayo at nagpunta ako sa Bicol noong Agosto 9, 2000. Nagkaroon din ako ng boyfriend pero ang puso at isip ko ay nasa Maynila at kay Mr. M.P.
Noong Set. 23, 2000, bumalik ako ng Maynila at nalaman ko na umuwi ng Visaya si Mr. M.P. Halos mawalan ako ng pag-asang magkikita pa kami.
Bumalik ng Maynila si Mr. M.P. noong Nobyembre 2001. Muling nanumbalik ang pagmamahal ko sa kanya.
Pero patuloy kaming hindi nagbabatian at nasasaktan ako sa sobrang katahimikan niya. Nalaman din niya na mahal ko siya kaya ako na ang kusang umiwas at nagdesisyon na akong umalis.
Nitong Setyembre 2002, dalawang ulit kaming nag-usap. Ni hindi man lang namin napag-usapan ang nangyaring alitan. Pero patuloy pa hanggang ngayon na wala kaming pansinan. Ano po ba ang dapat kong gawin?
Strawberry Beth
Dear Strawberry Beth,
Kung wala pa rin kayong pansinan at kibuan sa kabila ng dalawang ulit ninyong pag-uusap, malamang na talagang wala na siyang damdamin para sa iyo. Dapat mo na itong tanggapin dahil kung hindi, sana ay nagtapat na siya sa iyo dahil batid na niya ang lihim mong pagmamahal sa kanya.
Makabubuting ituring mo na lang siyang isang kaibigan at huwag ka nang magkimkim ng galit sa kanya.
Kung talagang gusto ka niya bilang girlfriend, sana ay hindi na siya nanligaw ng iba at ikaw na ang pinagtapatan niya ng kanyang pag-ibig.
Talagang ganyan. Kung sino ang gusto, iyon ang umaayaw at kung sino ang ayaw ay iyon ang gustong-gusto ng isang tao.
Sa pag-ibig, kailangan ang unawaan. Ika nga, it takes two to tango dahil asiwa kung isa lang ang nagsasayaw at hindi makasunod sa tono ang kapareha.
Hindi mo kailangang lumayo para makalimot sa pagkaunsiyami sa pag-ibig. Talagang mailap si Kupido kung minsan.
Dr. Love