Sinamantala ba ako o may pagtingin din siya sa akin?

Dear Dr. Love,

Hi! Have a nice day, Dr. Love. Isa po ako sa mga sumusubaybay ng inyong column. First time ko pong sumulat sa inyo para idulog ang aking kasalukuyang problema.

Tawagin na lamang ninyo akong Ms. Sweet ng Batangas, 18 years-old at nagtatrabaho sa Maynila.

May gusto ako sa isa kong kasama sa trabaho. Ang problema, may girlfriend na siya at apat na taon na silang mag-on. Halos lahat ay ginagawa ko para mapasaya ko lang siya. Tawagin na lang natin siyang Mr. Cancer ng Ilocos.

Gustung-gusto ko po siya. Siguro ay nakakahalata na rin siya na may gusto ako sa kanya. Close naman kami at lagi kaming nagbibiruan.

Ang problema ko ay may naganap sa aming dalawa na alam kong hindi dapat nangyari dahil wala naman kaming relasyon. Ginusto ko iyon kahit alam kong mayroon na siyang girlfriend.

Pero ano po kaya ang ibig sabihin ng ginawa niyang ito sa akin? Sinamantala kaya niya ang kahibangan ko sa kanya o may pagtingin din siya sa akin? Sana po ay matulungan ninyo ako.

God bless and more power.

Gumagalang,
Ms. Sweet ng Batangas


Dear Ms. Sweet ng Batangas,


Thank you sa iyong letter at binabati ka ng pitak na ito ng isang masaganang bagong taon.

Ang nangyari sa inyong dalawa ni Mr. Cancer ay hindi puwedeng maipagkamaling bunga ng pag-ibig kundi kahinaan ninyong dalawa.

Ikaw ang nagbibigay ng motibo kaya't si Mr. Cancer ay hindi patay na tandang para tanggihan ang lumalapit na palay.

Sa kagustuhan mong mabaling sa iyo ang kanyang pagmamahal, ginawa mo ang lahat to the point na pati ang sarili mo ay ipinain mo.

Ikaw ay 18-anyos na, may sapat na pag-iisip para mabatid na walang magandang ibubunga ang ipagpilitan ang sarili sa isang mayroon nang mahal bagaman hindi pa sila kasal.

Sana, matutuhan mong maghintay ng para sa iyo dahil ang kapusukan ng damdamin ay nagbubunga ng pagsisisi sa dakong huli.

Hindi mo siya puwedeng pilitin kung ayaw niya na panagutan ang maaaring ibunga ng pang-aakit sa kanya. Kung talagang mahal ka niya, sasabihin niya ito sa iyo.

Sinamantala niya ang kahalingan mo sa kanya para maibsan ang sarili niyang kapusukan ng damdamin.

Dr. Love

Show comments