Maligayang bati po sa inyong lahat diyan sa PSN.
Tawagin na lamang ninyo akong Rudy. Dr. Love, ikaw lang ang pinagsumbungan ko ng aking problema. Nais ko pong magkaroon ng maraming kaibigan sa panulat. Nasa loob ako ng bilangguan, nagdurusa sa kasalanang hindi ko ginawa.
Napasok po ako dito noong 1996. Thirty years-old na po ako. Mahirap lamang ang aming pamilya. Ang hatol sa akin ay 12-18 taong pagkakakulong sa kasong pagpatay.
Wala pong dumadalaw sa akin. Noong August 27, 1998, pinatay ang aking mga magulang. Wala po akong nagawa kundi tanggapin ang pangyayari. Ito siguro ang guhit ng aking palad.
Nag-aaral po ako ngayon dito sa loob ng kulungan sa ilalim ng University of Perpetual Help Rizal Extension. Mahilig po akong umawit at magpatugtog ng gitara.
Wala po akong alam na makakatulong sa akin kundi kayo lamang. Sana ay mailathala ninyo ang sulat ko sa inyong pahayagan. Marami pong salamat at sana ay lumaganap pa ang inyong pitak para mas marami kayong matulungan.
Rudy Pawangan
I-D College Dorm
Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Rudy,
Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa pagtangkilik mo sa aming pahayagan. Maraming suki ang pahayagang ito sa National Penitentiary lalo na sa aming Magsulatan Tayo. Tulad mo, nais din nilang magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Tunay na napakasakit ng nangyari sa iyo. Alam kong hindi lamang ikaw ang nagdaranas ng ganyan sa ating mga bilangguan. Kaya nga marami sa ating mga kababayan ang hindi naniniwala sa hustisya lalo na kapag wala silang pera.
Gayunpaman, inilathala ko na ang buo mong pangalan at address at naniniwala akong marami ang susulat sa iyo at makikipagkaibigan dahil mabuti kang tao. Hangad ko rin na sana ay marebisa ang iyong kaso at mapatunayang wala kang kasalanan. Napakahabang panahon na ang ginugol mo sa ibinintang sa iyo na pagkakasala.
Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral para kapag nakalaya ka na ay may magandang bukas na naghihintay sa iyo. Good luck and God bless.
Dr. Love