First time ko pong sumulat sa inyo. Tawagin na lamang po ninyo akong Mr. Aries.
Mayroon po akong babaeng matagal nang minamahal. Pero nakipag-split siya sa akin dahil sa kanyang textmate na sinagot na raw niya.
Ang balita ko po ay hiwalay sa asawa at may mga anak na ang textmate niya. Natatakot po ako na baka niloloko lang siya ng textmate niya. Mahal na mahal ko po siya.
Puwede ba niyang sagutin ang isang taong hindi pa niya nakikita nang personal? Iniisip ko rin na baka sinusubukan lang niya ako kung gaano ako katatag.
Ano po ang aking gagawin? Depressed po ako dahil sa nangyari sa akin. Sana po ay mapayuhan ninyo ako. Thank you and more power. God bless.
Sincerely yours,
Mr. Aries
Dear Mr. Aries,
May mga babae talagang madaling mapaniwala ng matatamis na mga pananalita. Marami nang mga napahamak dahil sa texting na iyan at hindi malayong mangyari iyan sa babaeng mahal mo kung hindi siya mag-iingat.
Kausapin mo siya nang masinsinan at sabihin mo sa kanya ang mga implikasyon ng mga ginagawa niya. Ngayon kung ayaw niyang maniwala at baka isipin niyang nagseselos ka lang, bahala na siya sa buhay niya. You dont deserve her. You deserve someone worthy of your love. Yun bang mapagkakatiwalaan mo at hindi ka ipagpapalit sa textmate niya.
Huwag kang malungkot dahil darating din ang babaeng para sa iyo. Ngayon kung sinusubukan ka lang niya, sana nga malagpasan mo ang pagsubok na ito.
Dr. Love