Magandang araw po sa inyo at sa staff ng PSN. Im 16 years-old at nasa 4th year high school. Sa edad kong ito ay marami na akong naging karanasan sa pag-ibig. Tawagin na lamang ninyo akong Ms. 38. Maraming beses na po akong nadapa sa pag-ibig pero ni minsan ay hindi ako nadala.
Nabasa ko po ang problema ni Ms. Taurus at parehong-pareho kami. Ang pinagkaiba lang ay uncle ko ang boyfriend ko. Akala ko po ay ako lang ang may ganitong problema pero hindi pala. Nalaman po ito ng aking mga magulang at kamag-anak at ang sabi nila ay umiwas na lamang ako. Pero kahit na anong gawin kong iwas ay siya pa rin ang nasa laman ng aking puso at isipan. Two years and five months na ang aming relasyon kaya siguro mahirap ko na siyang makalimutan. Minsan nga ay pinayuhan niya ako na magmahal ng ibang lalaki. Sinubukan ko na po ito pero mahirap talaga dahil siya ang mahal ko. Sabi niya ay hindi niya ako kayang ipaglaban sa aking mga magulang at kamag-anak. Hahanapin daw niya sa Bible kung nakasulat na puwedeng magkatuluyan ang magkamag-anak na tunay.
Maaari po ba ito, Dr. Love? Ano kaya ang maganda kong gawin para makalimutan ko na siya? Sana ay bigyan ninyo ako ng advice. Maraming salamat & more power.
Always,
Miss 38 of S.L.H.S.
Dear Ms. 38,
Madalas kong sabihin ito at ibig kong ulitin. Kapag malapit na magkamag-anak ang nagkaroon ng ganyang relasyon, madalas na ang nagdurusa ay ang kanilang mga anak.
Incest ang tawag sa ganyang relasyon at kadalasan, ang mga supling na bunga ng ganyang relasyon ay isinisilang na may kapansanan.
Hindi naman siguro palagi pero mataas ang risk o panganib na magkaroon kayo ng anak na may abnormalidad ng iyong tiyo.
Huwag kang maging makasarili. Isipin mo ang magiging future ng inyong magiging anak.
At komo ang lover mo ay tiyo mo, dapat siya ang unang magmalasakit sa iyo.
Dr. Love