Kaya po ako sumulat ay hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Lagi po akong nagbabasa ng column ninyo at marami akong natututunan. Umaasa po ako na mapapayuhan ninyo ako.
Mayroon po akong boyfriend. Pareho po kaming 21 years-old. Siya ay kababata ko. Simula po nang mamatay ang father ko ay ipinamigay kaming magkakapatid sa aming mga tiyahin at tiyuhin kaya nagkahiwa-hiwalay kami. Lima po kami at ako ang panganay. Tatlo po kaming nagtatrabaho dito sa Bulacan at nasa probinsiya naman ang dalawa at nag-aaral.
First boyfriend ko po si Mr. Pisces. Nagkalayo kami ng limang taon dahil nag-aral ako sa Maynila ng high school. Pagka-graduate ko ay bumalik ako ng Bulacan. Nagtapat po siya sa akin. Grade V pa lang daw ay may gusto na siya sa akin. Halos walong taon niyang iningatan ang nararamdaman niya para sa akin. Sinagot ko po siya noong nakaraang taon at mahigit isang taon na ang aming relasyon.
Ang malaking problema namin ay ang aming relihiyon. Born Again Christian siya at ako naman ay Jehovah. Ito po ang relihiyong namulatan ko. Mahal na mahal namin ang isat isa pero hindi namin kayang i-give up ang aming mga relihiyon. Compatible kami sa lahat ng bagay at siya lang ang lalaking pinagkatiwalaan ko at sa kanya lang ako komportable. Lahat ng mga problema ko ay nasasabi ko sa kanya.
Ngayon po ay nakipag-break muna ako sa kanya kaya lang ay hindi ko kaya na magkahiwalay kami. Wala naman pong tutol ang pamilya niya sa akin pero sa side ko ay maraming tutol pero hindi ko alam kung bakit. Kahit po mga pinsan ko ay galit sa kanya. Pero wala po akong pakialam sa kanila dahil wala naman kaming ginagawang masama.
Dr. Love, wala po akong mahingian ng payo kundi kayo lang. Gulung-gulo na po ang utak ko at ayokong mawala sa akin si Mr. Pisces. Ipaglalaban ko po siya. Sana po ay mapayuhan ninyo ako sa lalong madaling panahon.
Lubos na gumagalang,
Scorpio Girl of Bulacan
Dear Scorpio Girl of Bulacan,
May nakasulat sa Bible na "huwag makipamatok" sa hindi mo katulad ang pananampalataya.
Ngunit dahil sa pag-ibig, madalas na nalalabag ang tagubiling ito ng Salita ng Diyos.
May pagkakataon din na ang isay nagpapa-convert sa relihiyon ng kanyang minamahal para lamang mawala ang hadlang sa kanilang pagmamahalan.
Kung tunay ang pag-ibig na namamagitan sa inyo, ang relihiyon ay di-dapat na maging balakid.
Ang Biblia rin ang may sabi na "perfect love covers a multitude of imperfections."
Patuloy kang manalangin at hilingin ang gabay ng Diyos sa krusyal na desisyong dapat mong gawin.
Dr. Love