Nagdadalang-tao ako

Dear Dr. Love,

Sana ay sapitin kayo ng liham kong ito na nasa mabuting kalusugan. Ako po ay isa sa masigid na tagasubaybay ng inyong kolum at naisipan kong sumulat para humingi ng mahalagang payo tungkol sa mabigat kong problema.

Sa ngayon po ay nagdadalang-tao ako at ang ama ng sanggol ay naging boyfriend ko matapos makipag-live in sa naunang lalaki sa buhay ko pero sinamang-palad na hindi nakatuluyan.

Ang hinihingi ko po ng payo sa inyo ay kung paanong hindi magbabago ang tingin sa akin ni Elmer ngayong nagdadalang-tao na ako pagkaraan ng anim na buwan naming relasyon.

Sa kasalukuyan, si Elmer ay nasa Bicol at doon siya nagtatrabaho. Hindi naman ako nakatutol sa pag-alis niya dahil labis ang tiwala ko sa kanya.

Ang sabi niya noon, hindi na raw siya susulat o tatawag dahil magiging busy siya sa trabaho. Pero binigyan po niya ako ng cellphone number at ako ang siyang nakikipagkomunikasyon sa kanya.

Ipinagtapat ko po sa kanya ang aking kalagayan. Nangako siyang uuwi noong nakaraang Pasko pero hindi naman siya tumupad sa pangako.

Ang ikinababahala ko po ngayon ay baka tuluyan na siyang mawala sa akin sa kalagayan ko ngayon.

Natatakot naman po akong umuwi sa amin dahil sigurado akong kapag nalaman ng mga magulang ko ang aking kalagayan ay lalong titindi ang galit nila sa akin lalo pa nga’t alam nila ang nangyari sa amin ng dati kong live-in partner.

Wala na po akong ibang matatakbuhan pa. Namemeligro na rin po akong mawalan ng trabaho dahil sa kalagayan ko. Isa po akong cashier sa isang maliit na restaurant dito sa amin.

Ano po kaya ang dapat kong gawin para bumalik ang mahal ko?

Sana ay matulungan ninyo ako.

Pisces Girl


Dear Pisces Girl,


Napakalaking problema ang kinakaharap mo. Pero sa kalagayan mo ngayon, ang tanging pag-asa mo na lang na makakatulong sa iyo ay ang iyong pamilya.

Kahit na galit sila sa iyo, maglakas-loob ka nang lumapit ngayon at ihingi mo ng tawad ang nangyari sa iyo.

Sa ngayon, ang tingin ko ay tila malabong bumalik pa ang nobyo mo para panagutan ang responsibilidad niya sa iyo.

Pero subukan mo pa ring alamin sa kanya kung ano na ikaw sa kanya at sa isisilang mong sanggol. Kung bingi pa rin siya sa pakiusap mo, ang ibig sabihin nito ay wala na siyang intensiyong pakasalan ka o panagutan ang batang isisilang mo.

Ang alternatibo mo na lang ay bumalik sa mga magulang mo at magmakaawa sa kanila hanggang maisilang mo na ang iyong baby.

Dagdagan mo ang lakas ng loob at manalangin ka para gabayan ka sa tinatahak mong landas ng buhay.

Dr. Love

Show comments