Dr. Love Monday Special: Espiritistang bumitiw sa kapangyarihan ng kadiliman

Tubong Mondragon, Northern Samar ako. Pangalawa ako sa bunso at anak ako ng isang albularyo o espiritista. Labing-isang taon pa lamang ako nang simulan akong sanayin ng Nanay ko sa mga gawa ng espiritismo. Palibhasa’y wala akong kamalay-malay sa mga ganoong bagay kaya sunod lang ako nang sunod.

Ang hindi ko alam, unti-unti akong naging tulay ng kapangyarihan ng kadiliman. Bago ako nagkaroon ng kapangyarihang ito, maraming ritwal at inaabot ang pagsasanay ng higit sa dalawang taon. Naroong pinagbabasa ako ng iba’t ibang libro na hindi ko naman naiintindihan dahil nakasulat sa Latin. Pamememoryahin ako ng mga dasal at kapag memoryado ko na ito, ipalulunok naman sa akin ang papel kung saan nakasulat ang mga orasyong ito. Bukod dito, mayroon ding mga bagay na ipinapasok sa aking katawan. At may mga araw na hindi ako dapat kumain o magsalita o magpaputol ng buhok at kuko. Kadalasang ginagawa ang mga ito kapag Mahal na Araw, lalo na’t Biyernes Santo. Matapos nito, pupunta kami sa simbahan at sa sementeryo ng hatinggabi para tanggapin ang kapangyarihang ninanasa.

Ang Nanay at tiyuhin ko ay matataas na ang ranggo. May mga ranggo rin kasi pagdating sa ganitong bagay. Nagpapagaling sila ng mga maysakit tulad ng pagbubunot ng ngipin na walang kahirap-hirap o pangtanggal ng mga bukol o pagpapagaling ng kanser. Sinasabi nilang libre ang pagpagamot nito pero ang katotohanan ay may kapalit ito. Tulad nang sa amin, dalawa na sa aking mga kapatid ang namatay at lahat kami ay hindi nakatapos ng pag-aaral bilang kapalit ng kapangyarihan.

Ako naman, natuto akong gumawa ng pera mula sa papel o di kaya ay kumain ng bote nang hindi nasusugatan. Ginamit ko ang kapangyarihan ko upang magyabang at maging isang taong kinatatakutan sa lugar namin. Pero magulo pa rin ang buhay ko. Apat na beses kaming naghiwalay ng misis ko at hindi ako makahanap nang maayos na trabaho.

Pumunta ako sa bahay ng pinsan ko na nagpatira sa akin sa bahay niya. Siya rin ang nagpapakain sa akin. Katunayan nga ay may utang ako sa kanya pero hindi niya ako sinisingil. Minsan ay niyaya niya akong sumama sa isang pagtitipon na ang paksa ay tungkol sa relasyon ng anak at mga magulang. Na-touch ako sa mensahe at noong oras na iyon, ibinigay ko ang buhay ko sa Panginoon at tinanggap ko Siya sa puso ko. Pero kahit alam ko noon na pinatawad na Niya ako at binago ang buhay ko, nandoon pa rin ang aking pagiging maiinitin ng ulo hanggang sa magpa-counsel ako sa isang pastor.

Siya ang tumulong sa akin upang makalaya sa kapangyarihan ng kadiliman. Isinuko ko lahat ng mga dasal, anting-anting at mga bagay na may kaugnayan sa espiritismo. Sinunog ko rin ang mga papel na naglalaman ng mga dasal at orasyon. Para akong nabunutan ng tinik matapos kong gawin ito. Sa wakas, tunay na akong malaya.

Sumunod na dito ang mga biyaya at himala ng Panginoon sa aking buhay. Nang magkasakit ang anak ko ng TB meningitis, hindi Niya ito hinayaang mamatay. Binigyan Niya rin ako ng lakas na magpahayag ng mabuting balita at ipanalangin ang isang tao para sila rin ay makakilala sa Kanya o di kaya’y gumaling. Tunay na masasabi kong kakaiba ang kapangyarihan na nanggagaling sa Panginoon at ang papapalayang bigay niya.

Nestor


(Kung nais mong mapanood ang mga kuwento ng tagumpay na tulad nito, panoorin ang THE 700 CLUB tuwing Miyerkules ng hatinggabi at tuwing Linggo, alas-7:30 ng umaga sa GMA-7. Puwede ring tumawag sa THE 700 CLUB Counselling Center sa 810-7717 o 810-7176. Bukas ito nang 24 oras. Sa mga nasa probinsiya, puwedeng gamitin ang PLDT line na 1-800-1-888-8700 (libre at wala nang operator) o sumulat sa P.O. Box 37, Greenhills, 1502 San Juan, Metro Manila.)

Show comments