Dr. Love Monday Special: Hindi pala sugal ang buhay

Gusto kong maging isang engineer pero ayaw ng tatay ko kasi magastos daw yung kursong iyon. Ang gusto niya ay mag-Commerce ako. Dahil dito, nagrebelde ako at nahumaling sa pagmamahjong. Uupo ako sa magdyungan ng alas-7 ng gabi at kinabukasan na ang uwi ko.

Minsan, pagkagaling sa madyungan, nakaramdam ako ng sakit sa likod. Akala ko, nangawit lang sa pagkakaupo ko sa madyungan. Pero isang umaga uli pagkagaling ko sa madyungan, hindi ko maigalaw ang aking katawan. Mata ko lang ang naigagalaw ko. Apat na buwan akong paralisado. Hindi ako ipinagamot ng mga magulang ko dahil nga sa pagrerebelde ko.

Ipinaospital ako ng isa sa mga kapatid ko. Nalaman kong may sakit ako sa gulugod o spinal cord. Tinubuan ito ng mga bukol kung kaya’t ito’y bumaluktot. Sa madaling sabi, nakuba ako.

Nawalan ako ng pag-asa na gumaling. Pero sa kabila noon, sinikap ko pa ring makatapos sa bago kong kurso sa kolehiyo. Fourth year na ako nang makilala ko si Mario. Inimbita niya ako sa isang palabas. Sumama lang ako dahil kinulit niya ako. Ang hindi ko alam, dahil doon sa mapapanood ko mababago ang buhay ko.

Sa pelikulang iyon ko naliwanagan na kung namatay pala ako noong mga panahong paralisado ako, mapupunta ako sa impiyerno. Hindi man lang ako makakahingi ng tawad sa mga magulang at mga kapatid ko. Pinasyahan kong ibigay ang buhay ko sa Panginoon.

Ang resulta nito’y lumaya ako sa tanikala ng pagsusugal, sa pagrerebelde at sa mga bangungot ng aking nakaraan. Ngunit hindi ibig sabihin na dahil binigay ko na ang buhay ko sa Diyos ay wala nang pagsubok. Mayroon pa ring mga problema pero hindi na ako nag-aalala.

Hiniling ko sa Diyos na pagalingin Niya ako pero kung ayaw naman Niya ay okey lang sa akin dahil mas alam Niya kung ano ang makabubuti sa akin. Pero sadya Siyang mabuti at nagbigay Siya ng paraan upang ako’y maoperahan kaagad sa gulugod. Bulok na kasi yung spinal cord pati na ang mga tadyang.

Miyembro ng simbahang dinadaluhan ko yung doktor na umopera sa akin. Pinalitan yung tatlong piraso ng gulugod ko ng "stainless." Feeling ko tuloy, bionic na ako.

Iba talaga ang magbigay ng buhay sa Panginoon. Hindi ito tulad ng sugal na hindi mo alam kung mananalo ka o matatalo. Sa Panginoon, laging panalo. Katunayan nito, kahit may kapansanan ako ay nakapag-volunteer akong tumulong sa pamimigay ng relief goods sa mga nangangailangan. Biniyayaan din ako ng Diyos ng sarili kong pamilya. At kahit anumang pagsubok ay kaya kong harapin dahil ang buhay ko mismo ay biyayang galing sa Diyos. – Rolly

(Kung nais mong mapanood ang mga kuwento ng tagumpay na tulad nito, panoorin ang THE 700 CLUB tuwing Miyerkules ng hatinggabi at tuwing Linggo, alas-7:30 ng umaga sa GMA-7. Puwede ring tumawag sa THE 700 CLUB Counselling Center sa 810-7717 o 810-7176. Bukas ito nang 24 oras. Sa mga nasa probinsiya, puwedeng gamitin ang PLDT line na 1-800-1-888-8700 (libre at wala nang operator) o sumulat sa P.O. Box 37, Greenhills, 1502 San Juan, Metro Manila.)

Show comments