Dr. Love Monday Special - Anak na ginawang punching bag ng ama, umasenso na

Tawagin na lamang ninyo akong Edwin. Pwede ring Edgardo o Ed. Mahirap talaga ang doble-kara. Kumplikado ang buhay...magulo.

Nag-umpisa kasi ito sa tatay ko. Paborito niya kasi ako–paboritong gawing punching bag ang mukha ko. Sa una, pinilit ko siyang intindihin. Inisip ko na dala ng aming matinding kahirapan kaya siya naglalasing at nambubugbog. Pero nang lumaon, nagsawa na rin ako na maging punching bag kaya lumayas ako.

Bunga ng desisyong ito, para akong nakawala sa hawla. Napakasaya ko lalo na nang makilala ko ang aking mga kabaro. Oo, kabaro. Nais ko noon na maging ganap na babae. Itong mga barkada ko ring ito ang nagturo sa akin na mag-droga, manigarilyo, mag-disco at kung anu-ano pang bisyo.

Kapag naka-drugs ako, lahat ay kaya kong gawin ultimo pagnanakaw. Sa umpisa, maliliit lang na tindahan ang ninanakawan ko. Nang tumagal, mga department store naman ang biniktima ko. Kailangan kasi ay lagi akong maraming pera para hindi ako iwanan ng mga lalaki. Masarap yata yung pinag-aagawan.

Subali’t hindi lahat ng araw ay masuwerte ako, ika nga. Nandoon yung tatlong beses akong nakulong sa iba’t ibang kaso. Pakiramdam ko tuloy ay kilala na ako–tipong tamang hinala. Para bang wanted ako palagi. Kaya naman nag-lie low muna ako at naghanap ng ibang pagkakakitaan.

Nauwi ako sa pagtatrabaho sa isang beauty parlor. Doon, nangarap akong balang araw ay magkakaroon din ako ng sariling parlor na mas maganda at mas malaki. Kumikita ako noon nang malaki, nakakapag-drugs araw-araw at may boyfriend naman ako. Pero palaging may kulang.

Minsan, hindi ako makatulog kaya nanood ako ngTV. Eh, hatinggabi na noon at walang ibang palabas kundi yung isang programa kung saan napanood ko ang isang Amerikanong bakla na binago ng Panginoon. Nabuhayan ako ng loob. Mayroon pala akong pag-asang magbago.

Sumabay ako sa panalangin ng host ng programa na tanggapin ang Panginoong Hesus. Sa loob-loob ko, wala namang mawawala sa akin kung susubukan ko. Segurista pa nga ako dahil tuwing panonoorin ko yung programa, paulit-ulit kong tinatanggap ang Panginoon. At unti-unti naranasan ko ang pagbabago sa buhay ko.

Unit-unti akong nasuklam sa mga pinaggagagawa kong mga kasalanan. Pati tatay ko ay nagawa kong patawarin. Nanampalataya rin ang pamilya ko sa Panginoon. Hindi lang iyon. Biniyayaan din ako ng Diyos ng mga materyal na bagay na kahit sa panaginip ay hindi ko inasahan na magkakaroon ako. Binigyan niya ako ng pitong parlor, magandang bahay, magarang kotse at sarili kong pamilya. Dahil dito, naging magandang patotoo ako sa mga kapitbahay ko. Tunay nga na mabuti ang Diyos. – Edwin

(Kung nais mong mapanood ang mga kuwento ng tagumpay na tulad nito, panoorin ang THE 700 CLUB tuwing Miyerkules ng hatingabi at tuwing Linggo, alas-7:30 ng umaga sa GMA-7. Puwede ring tumawag sa THE 700 CLUB Counselling Center sa tel. bilang 810-7717 o 810-7176. Bukas ito nang 24-oras. Sa mga nasa probinsiya, puwedeng gamitin ang PLDT line na 1-800-1-888-8700 (libre at wala nang operator) o sumulat sa P.O. Box 37, Greenhills, 1502 San Juan, Metro Manila).

Show comments