Tingnan ang sarili

Dear Dr. Love,

Hi! Tawagin na lamang ninyo akong Scorpio Girl, taga-Bicol at ipinanganak noong Nob. 17, 1959. Ang problema ko ay tungkol sa aking asawa. Ikinasal kami noong Set. 3, 1991. Dalawang beses kami ikinasal–isa sa huwes at isa sa pari. Ang problema ay hindi kami nagkaroon ng anak. Noong 1994, may nakilala kaming buntis at gusto niyang ipaampon ang anak niya. Tumira siya sa amin ng apat na buwan. Iniwan niya sa amin ang bata kaya ang alam nito ay kami ang kanyang mga magulang. Malaki na ngayon ang bata at nag-aaral na. Pero wala akong kaalam-alam na natuto palang mambabae ang mister ko. Ang babae niya ay yung dating katulong namin na kapatid ng hipag ko. Inuwi pa siya ng mister ko dito sa bahay pero pinaalis ko ito. Pero sinundan pala ito ng mister ko at nabuntis pa. Mahigit dalawang taon na pala ang relasyon nila. Pero nalaglag ang ipinagbubuntis niya.

Paki-advice naman ako kung ano ang dapat kong gawin. Sa ngayon ay malapit na akong pumuntang Taiwan.

Scorpio Girl



Dear Scorpio Girl,


Ang problema mo’y tulad ng problema ng maraming misis na pinagtataksilan ng asawa.

Kung gustong mangaliwa ng lalaki o kahit babae, walang makapipigil.

Ang dapat malaman ay kung bakit nagtataksil ang isang tao. Address the problem sa ugat nito.

Sabi nga, walang bagay na nangyayari nang walang dahilan. Kung ano ang dahilan nang pagtataksil ng asawa mo ang siya mong dapat malaman.

Malalaman mo iyan through communication. Dapat mag-usap kayo nang masinsinan ngunit sa paraang mahinahon. Tanungin mo siya kung ano ang pagkukulang mo.

Also, tingnan mo rin ang sarili mo at sikaping alamin kung bakit ka pinagtataksilan ng asawa mo.

May quality time ka ba na ginugugol para sa kanya? Inaayos mo ba ang iyong sarili upang laging mukhang sariwa sa iyong asawa?

Hindi mo ba siya nina-nag? Tanungin mo ang iyong sarili at alamin mo ang iyong pagkukulang.

Dr. Love

Show comments