Nagsimula rin akong maimpluwensiyahan ng mga barkada ko at kasama na rito ang pagdo-droga. Hindi ako nahuhuli ng nanay ko sa akto na nagda-drugs pero alam niya dahil nakikita niya akong hindi natutulog ng ilang araw. Minsan, kung anu-ano ang itinuturo ko sa kanya at sinasabing may humahabol sa akin. Lalo akong nalulong sa bawal na gamot nang iwanan ako ng babaeng ka-live in ko. Mahal na mahal ko ang babaeng iyon. Pinaasa pa naman niya ako pero wala rin pala. Kaya pagda-drugs ang napagbalingan ko.
At para masuportahan ko ang bisyo kong ito, natuto akong manloko ng tao. Pati mga kapatid koy sinimulan kong nakawan hanggang sa hindi na nila ako pinapapasok ng bahay. Kung anu-ano kasing mga gamit sa bahay ang bigla na lang nawawala. Sa labas ng bahay na ako natutulog. Wala na silang tiwala sa akin.
Madalas akong sangkot sa gulo, nadedemanda at nabibilanggo. Pero labas-masok naman ako ng kulungan dahil maimpluwensiyang tao ang may hawak sa akin. Tuluy-tuloy ang aking pagnanakaw at pagtutulak ng droga.
Pero dumating na yung punto na hindi na talaga matanggap ng mga kapatid ko ang mga pinaggagagawa ko. Sa inis nila sa akin, ginulpi nila ako nang todo. Akala ng nanay ko ay katapusan ko na.
Mabuti lang talaga ang Diyos dahil hindi nagsawa ang nanay ko na akoy ipanalangin. Patuloy niyang idinulog sa Panginoon ang kalagayan ko hanggang sa dumating sa puntong kahit ako ay nagsawa na sa klase ng buhay ko. Ako mismo ang nagsabi sa nanay ko na dalhin na niya ako sa rehab.
Ipinasok nila ako sa isang rehabilitation center sa may Blumentritt. Sa awa ng Panginoon, natapos ko ang rehab program ko. Pero patuloy akong naninirahan sa tinatawag na "Mens Home" para makatulong din naman ako sa mga naroon sa dati kong kalagayan. Ang masasabi ko lang...masarap... masarap magbago.
Richard
(Kung nais mong mapanood ang mga kuwento ng tagumpay na tulad nito, panoorin ang THE 700 CLUB tuwing Miyerkules ng hatinggabi at tuwing Linggo, 7:30 ng umaga sa GMA-7. Puwede ring tumawag sa THE 700 CLUB Counselling Center sa 810-7717 o 810-7176. Bukas ito nang 24 oras. Sa mga nasa probinsiya, puwedeng gamitin ang PLDT line na 1-800-1-888-8700 (libre at wala nang operator) o sumulat sa P.O. Box 37, Greenhills, 1502 San Juan, Metro Manila).