Too young for love

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Sumulat po ako sa inyo dahil gusto kong ihingi ng tulong ang problema ko.

Itago na lamang ninyo ako sa pangalang Chel ng Mandaluyong City. Fifteen years-old pa lang po ako pero marami na akong manliligaw. Lahat naman ay tinatanggap ko na manligaw sa akin. Pero kung minsan, naiisip ko na hindi pa ako handa na magka-boyfriend dahil bata pa po ako.

Pero kapag ang gustong manligaw sa akin ay guwapo, tinatanggap ko agad.

Dr. Love, tulungan mo naman ako sa dapat kong gawin. Dapat na ba akong makipag-boyfriend kahit 15 years-old pa lang ako? Hihintayin ko ang inyong payo.

Chel


Dear Chel,


Kapag bata pa ang isang tao, madali siyang maakit ng gandang panlabas. Natural iyan lalo na sa mga teenagers na tulad mo.

Pero may mas importanteng bagay na dapat tingnan sa isang manliligaw. Iyan ay kagandahang panloob.

Sa edad mong 15-anyos, bata ka pa para sa seryosong relasyon.

Hindi rin nararapat na dahil lamang guwapo ang lalaki’y makikipagrelasyon ka kaagad. Baka ang ganyang ugali’y magdala sa iyo sa kapahamakan.

Okey lang kung makipagkaibigan ka. Sa ganyan ay makikilatis mo ang ugali ng mga lalaking lumiligaw sa iyo.

Dr. Love

Show comments