Love Forever

Dear Dr. Love,

Bago ang lahat ay nais kong batiin kayo ng magandang araw. First time ko pong sumulat sa pahayagan ninyo. Matagal ko na pong nababasa ang kolum na ito. Nakilala ko po si Rodilyn noong ako po ay third year high school noong 1997. Unang tingin ko pa lamang sa kanya ay nagkaroon agad ako ng damdamin para sa kanya ngunit nakipagkaibigan po muna ako sa kanya hanggang 4th year high school. Noong birthday ko po ay napahiya ako dahil sa mga kaeskuwela namin. Tinanong po kasi ng nanay ko kung sino ang nililigawan ko sa kanila at itinuro po nila si Rodilyn na nililigawan ko. Noong nakaraang January po ng nakaraang taon ay nagtapat ako ng pag-ibig sa kanya. Sumulat po ako sa kanya at sinabi ang lahat ng nararamdaman ng puso ko ngunit ipinabalik po niya ito sa kaklase ko. Matagal po bago kami nag-usap. Umiiwas po siya sa akin kapag siya ay kakausapin ko. Ngayon po ay nasa tamang edad na kaming pareho. Siya ay 17 years old na at ako naman ay 18 na. Pero nasa probinsiya siya at ako naman ay nandito sa Maynila. May komunikasyon po naman kami at nagsusulatan bilang magkaibigan lang. Ano po kaya ang kahahantungan ng aming relasyon? Magkatuluyan po kaya kami? Pero alam ko po na may gusto siya sa akin.

Hanggang dito na lamang po and more power to you. God bless you at aasahan ko ang inyong tugon.

R.R.G. A.R. Constantino


Dear R.R.G.,


Mahirap ang tanong mo kung kayo’y magkakatuluyan. Depende iyan sa iyo dahil ikaw ang nanliligaw.

Simula nang magpadala ka sa kanya ng love letter, ilang taon na ang nakalilipas, gumawa ka na ba ng follow-up?

Mas mahirap ang kalagayan mo ngayon dahil magkalayo kayo.

Kung seryoso ka, balikan mo siya sa probinsiya at personal kang mamanhikan.

Mas effective kaysa sulat ang personal na panliligaw.

Dr. Love

Show comments