Manhid si Jeffre

Dear Dr. Love,

Nais ko pong bigyan ninyo ako ng payo tungkol sa crush ko—si Jeffre.

Tawagin na lang po ninyo ako sa pangalang Marian. Ang crush ko namang si Jeffre ay isa sa mga ka-tropa ng pinsan ko sa school na siya ring pinapasukan ko.

Noong una, naiinis ako sa kanya dahil parang ang dating niya sa akin ay mayabang. Subali’t sa palagi naming paglalaro ng volleyball na lagi ko po siyang ka-teammate, nadama kong humahanga ako sa kanya. Hindi naman siya kaguwapuhan pero napakabait niya at sweet po siya. Alam ko, marami siyang nililigawan.

Sinikap kong alamin ang kanyang telephone sa bahay at mula noon ay tumatawag na ako sa kanya. Pero tumigil na rin ako ng katatawag dahil wala naman pong nangyayari. Hindi naman siya nagtatapat sa akin ng pag-ibig.

Mayroon din akong kaklase, si Angeline na mayroong crush sa kanya. Kinuha niya sa akin ang telephone number ni Jeffre. Mula noon, nagtatawagan na sila sa isa’t isa. Ang ipinagtataka ko, alam naman ni Jeffre ang phone number ko, pero hindi niya ako tinatawagan mula nang mahinto ako ng pagtawag sa kanya.

Alam po ni Jeffre na may crush ako sa kanya. Kaya lang ay napakamanhid niya. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin akong tatawag siya sa akin kahit isang beses lang.

Ano po ba ang dapat kong gawin para tawagan niya ako? Ano po ba ang dapat kong gawin para magkalapit kami?

Marian



Dear Marian,


Kung minsan, ang isang binata ay natatakot sa isang dalaga kung siya ang habol nang habol sa kanya. Natu-turn off ang mga lalaki kung ang babae ang naghahabol sa kanila.

Kung gayong alam niya ang phone number mo dapat sana ay tatawag siya kung talagang nami-miss ka niya dahil sa nahinto ka ng katatawag sa kanya.

Ang pangyayaring mayroon na siyang ibang katawagan sa telepono ay isa pang dahilan para hindi ka niya mapansin na.

Kung ako ikaw, huwag mo nang ipilit pa ang iyong sarili sa isang lalaking wala namang damdamin para sa iyo. Talagang sa pag-ibig kung walang dating sa isang panig, hindi puwedeng matukoy ang relasyon.

Crush lang iyan at wala naman kayong relasyon at damdamin sa isa’t isa dahil ikaw lang ang may crush sa kanya. Alisin mo na siya sa isip mo. Hindi mabuti para sa isang katulad mo na umasa nang wala namang inaasahan pala.

Maghintay ka na lang ng binatang may simpatiya sa iyo at maaakit sa iyo nang hindi ipinipilit ang sarili.

Good luck and don’t feel sour kay Jeffre kung manhid man ito sa mga pasakalye mo. Ayaw ka lang niyang paasahin sa wala.

Dr. Love

Show comments