Isa pong mataos na pagbati sa inyong lahat diyan sa inyong pasulatan. Lagi ko pong binabasa ang inyong column at kinalulugdan kong subaybayan ang mga payo ninyo sa mga problemang idinudulog ng inyong mga tagasubaybay.
Tawagin na lang po ninyo akong Shana, 23 years old. Ang problema ko po ay tungkol sa boyfriend kong si Randy, 26 years old.
Inilihim po niya sa akin na mayroon siyang dalawang anak at ka-live-in.
Nang matuklasan ko ito, iminatuwid niya na sinadya po raw niyang huwag itong ipagtapat sa akin dahil ayaw daw niyang magkahiwalay kami.
Hindi raw niya pinakasalan ang ina ng kanyang dalawang anak dahil hindi niya ito tunay na mahal.
Nakausap ko na ang kanyang asawa at ang sabi niya, noon ay lagi niyang niyayayang pakasal si Randy pero ayaw nito. Umalis na raw noon si Randy subalit bumalik ito uli.
Ang sabi naman ng kapitbahay nila, pangit daw ang ugali ng asawa ni Randy, bungangera at lagi raw silang nag-aaway kaya nawalan ng gana rito si Randy.
Mahal na mahal ko po si Randy at mayroon nang nangyari sa amin. Maging ang kanyang tiyahin ay naglihim din sa akin sa tunay na kalagayan sa buhay ni Randy. Maghintay daw ako dahil gagawa ng paraan si Randy. Puwede naman daw sustentuhan na lang ni Randy ang dalawa niyang anak.
Sana bigyan po ninyo ako ng advice kung ano ang dapat kong gawin. Hindi ko po kayang mawala siya sa akin. Araw-araw kaming nagkikita at hindi ko na kaya siyang iwasan.
Shana
Dear Shana,
Ikinalulugod kong mabatid na isa kang masugid na mambabasa ng aming pahayagan at tagasubaybay ng Dr. Love.
Alam mo Shana, luma nang tugtugin ang dahilang mayroon nang nangyari sa isang magkasintahan kung kaya’t hindi na puwedeng iwasan ni babae si lalaki.
Sa kaso mo ika mo, hindi ipinagtapat ng nobyo mo ang tunay niyang kalagayan sa buhay. May bahid na panlilinlang ang ginawa niya sa iyo para sa sarili niyang kapakanan.
Kung ako ikaw, gamitin mo ang isip at hindi lang ang puso sa pagpapasya sa maselang bagay na ito sa buhay mo dahil ang pagpapatuloy mo ng pakikitungo sa nobyo mong may pananagutan na sa buhay kahit hindi pa kasal ay isang pagpapalo ng matigas na kahoy sa sarili mong ulo.
Hindi dahilang hindi na niya mahal ang kanyang kinakasama kaya ikaw naman ang siyang pinagbubuhusan niya ng pansin at pagmamahal. Hindi mo ba naisip na minsan, niligawan din at minahal ni Randy ang ina ng kanyang dalawang anak at maaari ring mangyari ito sa iyo?
Hindi kita pinapayuhang kumalas na sa kanya kung labag ito sa loob mo, pero sisirain mo ang kinabukasan mo kung tutuloy ka pa sa kanya. Hindi madaling magsustento ng dalawang anak kung kayo ay kasal na at magkakaroon din ng sariling mga anak.
Darating ang panahon na ito ay magiging problema ninyo at pagmumulan din ng pagbabangayan tulad ng nangyayari ngayon sa kanila ng kanyang ka-live-in.
Huwag kang mabulagan sa pagpapasya mo na mahal na mahal mo siya at gayundin naman siya sa iyo.
Maging praktikal ka at mahalin mo naman ang sarili mo para mapatingkad ang dignidad mo bilang isang babae.
Hangad ko ang matalino mong pagpapasya sa sarili sa mga ibinigay kong pangaral sa iyo.
Dr. Love