Taos-pusong pagbati sa inyo kasama ang inyong pamilya.
Ako po ay humahanga sa isang lalaki na kamag-aral ko. Isang taon na po akong humahanga sa kanya.
Minsan, naiisip ko na parang hindi lang "crush" ang aking nararamdaman. Siguro, in-love na ako sa kanya. Lagi ko siyang binibigyan ng regalo tuwing Pasko at birthday niya at lahat ng mga ibinibigay ko ay tinatanggap naman niya at ipinasasabi niya ang kanyang pasasalamat sa akin.
Ang mga regalo ay ipinaaabot ko sa aking kaibigan. Kahit isang salita ay hindi kami nag-uusap dahil nahihiya ako sa kanya at ganoon din siya sa akin.
Ang sabi ng kaklase ko ay may pagtingin din daw siya sa akin nguni’t hindi niya masabi.
Kung minsan na may kailangan siyang tulong sa akin. ipinasasabi na lamang niya sa aming kamag-aral at pinagbibigyan ko naman ang kanyang kahilingan.
Tuwing Sabado at Linggo ay hindi ako mapalagay dahil hindi ko siya nakikita. Ang ginagawa ko na lamang ay tinatawag ko ang kanyang pangalan. Tuwing gabi bago ako matulog ay siya ang iniisip ko.
Alam na po niya na may gusto ako sa kanya.
Sana naman ay payuhan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin.
Always,
Teresita
Dadiangas School of Arts & Trade
Dear Teresita,
Nakatawag-pansin sa akin ang liham mo hindi lang dahil sa nilalaman nitong mensahe kundi nagmula ito sa malayong bahagi ng bansa. Ikinalulugod ng pitak na ito na nasusubaybayan ninyo ang aming pahayagan.
Huwag mo namang masyadong dibdibin ang paghanga mo sa isang lalaki na kiming maghayag ng kanyang damdamin.
I’m sure bata pa kayong pareho kaya kayo nagkakahiyaan.
Hindi naman kaya ang dahilan kung bakit siya nakikimi ay dahil lagi mo siyang binibigyan ng regalo na hindi naman niya matumbasan?
Minsan, mayroong mga lalaking lalong nagiging kimi kung ang babae ang siyang unang nagpapakita ng pagkagusto sa kanila. Bakit hindi mo kaya hintayin na siya muna ang mauna ng pagpahahayag ng kanyang niloloob ngayong alam na niya na may gusto ka sa kanya.
Good luck to youat sana ay matutuhan na ng crush mo na maghayag ng kanyang damdamin para sa iyo.
Dr. Love