Ako po’y napilitang sumulat sa inyo dahil sa aking karanasan  isang bigong pag-ibig. Ito yung tinatawag nilang first love. Mahal na mahal ko talaga siya at mahal din niya ako. Very sweet siya sa akin kaya nga siguro na-in-love ako sa kanya. Hanggang sa dumating ang araw na hindi ko inaasahan kailan man na mangyayari sa amin ng bf ko.
Ako ay nag-aaral sa bayan at tuwing weekend lamang kung umuwi sa amin kaya Linggo lamang ang time namin sa pamamasyal. Hindi ko alam na may gf pala siyang iba. Nabalitaan ko ito doon sa paaralan namin. Hindi ako nag-aksaya ng panahon. Umuwi ako sa aming lugar at napatunayan ko na totoo pala ang balita. Masakit na masakit ang aking kalooban dahil ipinagpalit na pala ako ng aking minamahal. Mula noon ay nawalan ako ng gana na mag-aral at palagi lang nagkukulong sa kuwarto. Parang hindi ko talaga makayanan ang pangyayaring ito. Pero salamat na lamang sa mga magulang kong palaging nagpapayo sa akin. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin ang sugat sa aking puso. Kung maaari Dr. Love, nais ko sanang may sumulat sa akin para naman may mapag-ukulan ako ng pansin at malibang.
Hanggang dito na lamang at inaasahan kong may sumulat sa akin sa address na ito:
Judy c/o Nenang Ganancias
Casa Compound, Contilan
Surigao del Sur 8317
Dear Judy,
Masakit man ay dapat mo siyang limutin. Kung tutuusin dapat kang magpasalamat dahil nakilala mo ang tunay na pagkatao ng boyfriend mo. Mas masakit kung magtataksil siya sa iyo kapag mag-asawa na kayo.
Hindi dapat tumigil ang pag-inog ng daigdig dahil lamang sa isang kabiguan. Lahat ng tao’y makararanas ng mga tagumpay at kabiguan. Kung mabigo tayo, hindi dahilan iyan upang magpabaya tayo sa ating pag-aaral. May mabuting layunin ang mga kabiguang dumarating sa ating buhay. Natututo tayong harapin ang mga mas mabibigat na pagsubok sa ating buhay.
Naniniwala akong sa malapit na hinaharap ay makakatagpo ka ng lalaking mas karapat-dapat mahalin.
Dr. Love