Dapat ko ba siyang limutin?

Dear Dr. Love,

Hi! Hello. Sana ay datnan kayo ng sulat kong ito na maayos ang pakiramdam. Tawagin mo na lang po akong Pisces Girl, 18 years-old. Ang problema ko po ay ganito.

May bf, po ako. Tawagin mo na lang siyang D.K. Almost five months na kaming walang communication sa isa’t isa.

Matagal siyang nanligaw sa akin pero hindi ko pa rin kilala ang kanyang tunay na ugali. Ngayon po ay nasa Leyte s’ya at ako naman ay nandirito sa Maynila. Mula po nang umalis ako papuntang Maynila ay hindi pa po s’ya sumusulat sa akin.

Mahal daw niya ako ngunit hindi niya ako maisipang sulatan. Noon ay walang bisyo si D.K. pero ngayon ang lahat ng bisyo ay pinasukan tulad nang pagsusugal, pag-inom at paninigarilyo.

Nalaman ko lang sa kapatid ko ang lahat ng ito. Sabi po ng pinsan ko ay kalimutan ko na raw si D.K. o kaya ay maghanap na lang ako ng iba.

Pero para sa akin ay okey lang yun dahil bf ko pa lang siya at hindi asawa. Malay natin, baka magbago pa s’ya. Dr.Love dapat ko po ba siyang kalimutan talaga?

Maghihintay ako ng advice mo. Gusto ko po sanang magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.

Gumagalang,
Pisces Girl



Dear Pisces Girl,


Paano mo masasabing mahal ka ng boyfriend mo kung sa matagal na panahon ay hindi ka man lang naalalang sulatan?

Katulad ng madalas kong sabihin sa mga may problemang katulad ng sa iyo, dapat gamitin ang pag-iisip at hindi lang ang puso pagdating sa pag-ibig.

Marahil, kung sadyang mahal mo siya maaari mong subukang awatin siya sa mga masasamang bisyo ngunit kung hindi mo siya mababago, makabubuting limutin mo na lang siya at humanap ng lalaking may mabuting katangian kaysa magsisi ka sa dakong huli.

Sa mga nais makipagkaibigan sa iyo, maaari silang tumawag sa ating tanggapan para sa iyong tunay na pangalan at address.

Dr. Love

Show comments