Baybayin

CEBU, Philippines - Kagaya ng makukulay na kabihasnang umusbong sa Asya, ang Pilipinas ay nagkaroon na rin ng sariling maayos na paraan ng pagsulat. Kaya malaking kabalintunaan ang tayo’y tawaging mangmang. Wala pa man ang mga mananakop ay marami na ang nakakapagsulat, nakakabasa at nakakapagtala ng kasaysayan gamit ang sistemang “Baybayin”, kawayan at panggurlis.

Iilan sa mga natagpuang patunay nito ay yaong mga kawayang may nakaukit na mga simbolo na pag-aari ng Tribong Mangyan sa Mindoro; at maging sa dingding ng mga yungib sa iba’t ibang panig ng bansa. Nitong Agosto 5 nga ay nagkaroon ng pagtitipon-tipon ang mga dalubhasa sa Anthropology at Linguistics sa Ticao, Masbate upang pag-aralan ang batong natagpuang may nakasulat sa “Baybayin script.”

Ang masakit lang ay tuluyang natabunan ang sistema ng pagsulat na ito dahil nga sa patung-patong na impluwensya nang tayo ay sakupin ng mga banyaga. Ang matinding hagupit ay noong pilit palitan ng mga Kastila ang ating “Baybayin” ng Cartilla, at maging ng English alphabet sa panahon ng mga Amerikano. Kahit ang mga Hapon ay panandaliang naituro sa ating mga lolo’t lola ang Kanji na siyang ninuno ng Hiragana at Katakana.

Buti na lamang at may mga nagpakadalubhasa sa pag-iingat ng iilang talang naiwan. Nailagay ang mga ito sa maayos na lugar upang muli’t muli nating mapag-aaralan. Di mapigilan ang pagtatanong ng iilan kung mahalaga pa ba ito sa kasalukuyang panahon. Ngunit may mga saloobin naman na ang pag-aaral muli sa “Baybayin” ay nararapat nang sa gayon ay maintindihan natin kung sino nga ba tayo bilang tao. Nabubuo rin ang ating mga kuru-kuro at palagay ukol sa ating pagka-Pilipino. O kung totoo mang kaya hindi tayo mapagbuklod bilang iisang lahi ay dahil likas na sa atin ang pagiging maka-tribu. Ito’y sa dahilang simula’t sapol ay pangkat-pangkat ang ating mga ninuno nang dumating at manirahan sa Pilipinas bago pa man ito ipinangalan sa hari ng isang bansang ang dakilang adhikain ay manakop upang palakasin ang kanilang impluwensya, kalakalan at kabuuang kapangyarihan sa ngalan ng pananampalataya.

Ano nga ba ang Baybayin? Maraming guro noon ang nagsasabing ito’y ang alibata. Ngunit may ilang dalubhasa ang nagsasabing mas nararapat itong tawaging Baybayin. Binubuo ito ng palapantigan (syllabary). Ibig sabihin ay hindi ito nangangahulugan ng letra lamang, kundi magkapares na tunog. Halimbawa ay ang “ba” (tingnan ang tsart). Nilalagyan ang palapantig (syllable) ng galos o “kudlit” kapag ang patinig ay “e” o “I” (ibabaw), at sa ilalim naman kapag “o/u.”

Ngunit pagdating ng mga Kastila, may isang prayleng nagngangalang Francisco Lopez na nagdagdag ng gurlis na krus upang bigyang diin ang tunog ng mga katinig.

Sa ganang akin, isang hamon ang patuloy na pananaliksik ukol dito. At ito’y inihahabilin naming mga impo at ingko sa inyong mga bagong sibol. (FREEMAN)

 

Show comments