MANILA, Philippines — Sa pagdiriwang ng kapaskuhan, hinimok ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga Pilipino na sa panahong ito na simbolo ng saya ay magpasalamat sa mga biyaya habang isa rin itong pagkakataon para sa bawat isa na magbigkis bilang isang bansa.
Kasabay nito, ipinaabot ni Romualdez ang taos pusong pagbati ng Maligayang Pasko sa bawat pamilyang Pilipino nasaan man ang mga ito sa panig ng mundo.
“As we celebrate this joyous season, I extend my heartfelt Christmas greetings to every Filipino family, wherever you may be in the world. This season is a time of joy, gratitude, and reflection—a moment to honor the love and unity that bind us as a nation,” pahayag ni Romualdez.
Binalikan din ni Romualdez ang mga hamong pinagdaanan ng bansa, mula sa mapaminsalang bagyo at iba pang kalamidad na sumubok sa katatagan ng mamamayan, hanggang sa mga ingay at hidwaang pulitikal na nagtangkang magdulot ng pagkakawatak-watak, pero nanatiling matatag ang diwa ng pagkakaisa, malasakit, at pananampalataya ng bawat Pilipino.
“Christmas reminds us of what truly matters—faith, family, and compassion. It is a time to rise above our differences and focus on the shared values that make us one people,” ani Romualdez.
Hindi anya naging madali ang taong ito, lalo na para sa mga nawalan at naharap sa matitinding pagsubok dulot ng magkakasunod na kalamidad pero sa kabila nito ay nasaksiyan ng mga Pinoy ang kabutihan at bayanihan na nagbigay ng inspirasyon at nagpatibay sa buong komunidad.
Samantala, hinikayat din ni Romualdez ang bawat mamamayang Pilipino, na sa pagharap sa Bagong Taon ay bitbitin natin ang pangako ng mas maliwanag na bukas.
“As we prepare to welcome the New Year, let us hold onto the promise of a brighter future. Sa ating pagkakaisa at pagtutulungan, makakamtan natin ang mas maayos, mas maunlad, at mas mapayapang Pilipinas,” sabi pa ng punong lider ng Kamara.