Apela sa DOH: PWDs alisan na rin ng purchase booklet

MANILA, Philippines — Umapela si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Department of Health (DOH) na tanggalan rin ng booklet ang mga Person With Disabilities (PWDs) para sa 20% discount ng mga ito sa pagbili ng mga medisina o gamot.

Sa Administrative Order No. 2024-0017 na nilagdaan ni Health Secretary Teodoro Herbosa, tuluyan nang tinatanggal ang purchase booklet ng mga senior citizens na ipriniprisinta ng mga ito kasama ang valid na identification card at doctor’s prescription para mabigyan ng discount sa pagbili ng gamot.

Madalas umanong nakakalimutan ng mga senior citizens ang kanilang mga purchase booklet kaya hindi ang mga ito nakakakuha ng discount.

Ayon kay Ordanes, chairman ng House Committee on Senior Citizens, na kung nagawang ipatanggal ng DOH ang purchase booklet ng mga senior citizens ay isang magandang pamaskong aginaldo kung aalisin na rin ito sa mga PWDs.

“Salamat sa aksyon ng DOH, on behalf of all senior citizens nationwide pero idamay na rin sana nila ang mga PWDs kasi may discount booklet din sila. They also buy medicines and medical devices. Unnecessary the booklet is. Finally, the Department of Health is enlightened on this,” punto ni Ordanes.

Magugunita na ang komite ni Ordanes ay nagsagawa ng mga pagdinig at pinakiusapan ang DOH na tanggalin na ang purchase booklet sa mga senior citizen basta ang importante aniya ay may iprisinta ang mga itong doctors prescriptions at valid ID sa pagbili ng mga gamot.

Show comments