MANILA, Philippines - Pinangangambahan na ituloy na ang pagbitay sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa death row sa Saudi Arabia sa Enero 2014.
Muling umapela si Vice President Jejomar Binay, sa publiko na tulungan ang kababayang si Joselito Zapanta upang masagip sa bitayan.
Nangangamba si Binay, tumatayo ring Presidential Adviser on OFW Concerns, na matuloy ang pagbitay kay Zapanta sa susunod na buwan dahil sa kabiguan ng pamilÂya nito na maibigay ang hinihingi ng pamilya ng kanyang napatay sa Sudanese na P44 milyong blood money matapos ang ibinigay na taning.
Si Zapanta ay hinatulan ng bitay dahil sa pagpatay sa isang Sudanese national na nakilalang si Imam Ibrahim sa Riyadh noong 2009.
Nauna nang humiling ang pamilya ni Ibrahim ng limang milyong Saudi riyal (SAR) kapalit ng tanazul o affidavit of forgiveness na napababa sa SAR 4 milyon dahil sa pagsusumikap ng Department of Foreign Affairs at Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa pakikipagtulungan ng Sudanese Embassy na masagip ang nasabing OFW.
Unang nagbigay ng deadline ang pamilya ng biktima na maibigay ang blood money noong Nobyembre 12, 2012 at na-extend noong Marso 12, 2013. Ang huling pagpapalawig ng deadline ay ibinigay noong Nobyembre 3 subalit bigo pa rin ang pamilya Zapanta na maibigay ang nasabing halaga.
Nabatid na umaabot pa lamang sa SAR 520,831 mula sa demand na SAR 4 milyon blood money ang nalilikom ng gobyerno at pamilya Zapanta.
Sa mga nagnanais na tumulong o mag-ambag sa blood money ay maaaring maibigay sa sub-account ni Zapanta sa PH Embassy sa Riyadh sa Saudi Hollandi Bank: Account Number 037-040-790-022, International Bank Account Number (IBAN): SA 61-5000-0000-0370-4079-0022, Swift Code: AAALSARI.