MANILA, Philippines - Plano ng Department of Health na isalang muna sa temporary burial ang mga nasawi sa pananalasa ni bagyong Yolanda.
Sinabi ni Health Assistant Secretary Eric Tayag na mainam sana na maisailalim sa tinatawag na refrigeration ang mga labi kung malabo pang mabigyan ang mga ito ng maayos na libing nang sa gayon ay mapigilan ang mabilis na decomposition o pagkaagnas.
Kung hindi rin posible ang refrigeration, maaring isailalim muna ang mga bangkay sa temporary burial na maituturing na natural refrigeration dahil mas mababa ang temperatura sa ilalim ng lupa at mas mapapabagal din ang decomposition.
Alinsunod umano sa Field Manual ng International Committee of the Red Cross para sa Management of Dead Bodies after Disaster, sa ilalim ng temporary burial, ang malaking bilang ng mga bangkay ay dapat na ihilera pero ang bawat isa ay dapat na may agwat na kalahating metro.
Hindi rin dapat na pagpatung-patungin ang mga labi. Ang pansamantalang libingan ay dapat may lalim na isa at kalahating metro at 200-metro ang layo mula sa water source.
Sabi ni Tayag mas akma ang paglibing sa mga biktima sa halip na cremation para kung kakailanganin ay maari pa itong isailalim sa forensic investigation sa hinaharap.
Wala ring dapat ipangamba ang publiko sa posibilidad na magkaroon ng epidemiya ng sakit dahil sa mga nagkalat na bangkay.
Nilinaw ni Tayag na walang risk at hindi pinagmumulan ng mga bakterya ang hindi naililibing na daan-daang bangkay. Maaari lamang umano na maging sanhi ng kontaminasyon ang mga bangkay kung mapunta ito sa mga sources ng tubig, na gagamitin ng mga tao.
Ang mga nakaka-impeksiyong germs ay hindi raw mabubuhay sa isang bangkay sa loob ng 48 oras.