MANILA, Philippines - “All systems go†na para sa idaraos na early registration sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa ngayong araw kung saan target na makapagtala ng may 10 milyong early registrants para sa School Year 2013-2014.
Hinimok ni Education Secretary Armin Luistro ang mga magulang na maagang ipatala ang kanilang mga anak upang makatiyak na makakapasok ang mga ito sa paaralan sa susunod na pasukan.
Pinakikilos na rin ng DepEd ang lahat ng local government units, parent-teachers association, civic groups, non-government organizations at iba pang education stakeholders para hanapin ang lahat ng mga school-aged children at mga kabataan na hindi nagsisipag-aral, iparehistro ang mga ito at dalhin sa paaralan sa muling pagbubukas ng klase sa Hunyo.
Lahat ng batang edad 5-taong gulang ay hinihimok na magrehistro sa kinder sa lahat ng public schools, habang ang mga 6-taong gulang ay dapat iparehistro sa Grade 1 class.
Target din ng early registration ang mga ‘differently-abled children and youth’ na may learning difficulties, mga kabilang sa IP communities, street children at iba pang school-aged learners na hindi nag-aaral.