MANILA, Philippines - Lagda na lamang ni Pangulong Aquino ang kinakailangan para tuluyang maging batas ang kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill matapos ratipikahan kagabi ng Senado at Kamara at ang nasabing panukala.
Limang senador lamang ang nagpahayag ng negatibong boto sa report ng bicameral conference committee kaugnay sa RH bill na kinabibilangan nina Senate President Juan Ponce Enrile, Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada at Senators Gregorio Honasan at Aquilino “Koko” Pimentel.
Pinagtibay naman ang panukala at bumoto ng pabor para sa ratipikasyon ang 11 senador na kinabibilangan nina Senators Miriam Defensor-Santiago, Pia Cayetano, Teofisto Guingona III, Edgardo Angara, Panfilo Lacson, Alan Peter Cayetano, Ferdinand “Bongbong” Marcos, Loren Legarda, Franklin Drilon, Sergio Osmena, at Joker Arroyo.
Samantala nanaig naman ang ayes o “yes” vote sa Kamara.
Ayon naman kay Sen. Pia Cayetano, chairman ng committee on Youth, Women and Family Relations, nagtagumpay ang bicameral committee para mapag-isa ang bersiyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
“I thank the senate and house panel for working collectively to come up with a unified version of the RH bill,” sabi ni Cayetano.
Tiniyak naman ni Cayetano na mas mahusay na bersiyon ng panukala ang naipasa ng bicam.
Tiniyak din ni Cayetano na nagtagumpay siya para ipagtanggol ang panukala kahit pa may mga naisingit na amendments na hindi niya sinasang-ayunan.
Una rito, pumasa ang RH bill sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa kabila ng pagtutol ng Simbahang Katoliko.