MANILA, Philippines - Pormal ng nilagdaan kahapon ni Pangulong Aquino ang General Appropriations Act of 2013 na nagkakahalaga ng P2.006 trilyon. Hindi ginamit ni Pangulong Aquino ang kanyang veto power sa anumang probisyon ng 2013 national budget.
Wala ring binawasan ang Kamara at Senado sa isinumiteng 2013 proposed national budget kung saan ay nakapaloob na din dito ang P40 bilyong pondo na malilikom mula sa mas mataas na buwis mula sa sigarilyo at alak matapos lagdaan ng Pangulo ang Sin Tax.
Ayon sa Pangulo, makakaasa ang taumbayan na gagamitin sa tama ang pisong nakapaloob sa budget lalo pa’t nahaharap ang bansa sa mga sakuna, banta ng terorismo at iba pang pangangailangan.
Iginiit din ng Pangulo na napatunayang hindi imposible ang pagbabago at mula sa dating nakasanayang re-enacted budget, sisimulan na ang bagong tradisyong maagang pagpapasa ng national budget.
Sa nasabing budget, sa pamamagitan ng tinatawag na “bottoms up” ay may kontribusyon umano ang mamamayan lalo ang mga LGUs na nagrekomenda ng mga proyektong popondohan.
Sa harap naman ng napabalitang tangkang kudeta sa Senado, hindi nakadalo sa budget signing si Senate President Juan Ponce-Enrile na pinuri pa rin ng Pangulong Aquino.
Dumalo rin sa event sa Palasyo si Deputy Speaker at Cebu Rep. Pablo Garcia, ama ni Gov. Gwendolyn Garcia na sinuspinde ng DILG.