MANILA, Philippines - Dalawa sa mga evacuees ang namatay habang libo pa ang dinapuan na ng karamdaman sa bayan ng Baganga, Davao Oriental na kabilang sa matinding naapektuhan ng bagyong Pablo.
Nabatid kay Army’s 10th Infantry Division (ID) Chief Brig. Gen. Ariel Bernardo, aabot sa 3,048 pasyente ang binigyan ng first aid ng mga volunteer doctors.
Sa nasabing bilang ay 852 sa mga ito ay binigyan ng tetanus toxoid, 93 ang na-confine sa pagamutan habang 23 pa ang ipinadala na sa hospital sa Mati City.
Karamihan sa mga biktima ay mga bata kung saan dalawa ang nakumpirmang nasawi matapos na dapuan ng karamdaman.
Nabatid pa na marami sa mga evacuees ang nasugatan at halos hindi na kayang i-admit sa mga pagamutan.
Samantala, 10 pang bangkay ang narekober ng search and rescue teams sa karagatan at kabundukan ng Davao Oriental.
Anim sa mga bangkay ay nakuha sa Cateel, isa sa Brg. Baculin sa Baganga at isa pa sa Cabugao island sa Boston na pawang sa nasabing lalawigan.
Wala namang itinakdang palugit sa isinasagawang search and rescue operations.