Solid North pumalag sa sin tax

MANILA, Philippines - Pinagdadahan-dahan ng mga kongresista na kabilang sa Northern Alliance ang mga reelectionist senators sa pagsuporta sa sin tax reform bill dahil dito umano titimba­ngin ng mga botante mula sa Norte ang mga ibobotong senador sa 2013.

Sinabi ni La Union Rep. Victor Ortega, pa­­ngulo ng nasabing Al­yansa na hindi maiiwa­sang ilaglag ng mga tobacco farmers ang mga sena­dor na susuporta sa bersyon ni Sen. Franklin Drilon.

Babala pa ng mam­babatas, hindi dapat ma­ li­itin ang boto ng tobacco farmers dahil ang walong lalawigan sa Norte na mayaman sa pro­duk­tong tabako ay may 4.5 milyon rehistradong botante batay sa nagdaang sena­torial election.

Paliwanag pa ni Or­tega na sa Ilocos Region, na binubuo ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Panga­sinan at La Union, ay may 300,000 tobacco at masasabing magdadala ng isang milyong boto mula sa kani-kanilang pa­milya.

Sa ngayon umano ay aantabayanan muna ng Northern Alliance kung ano ang magiging  desis­yon ng Senado para sa pinal na bersyon nito bago magsagawa ng pa­ nibagong hakbang.

Maging si Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla na isa sa may 21 kongresista na tumutol sa HB 5727 ay naniniwalang ang excise tax bill ay mala­king usapin sa darating na eleksyon para sa mga tobacco-producing pro­vinces.

Giitn ni Padilla, ma­pa­nganib para sa industriya ng tabako ang bigla at napakataas na buwis sa sigarilyo dahil milyong Pilipino ang nakasandal dito.

 

Show comments