MANILA, Philippines - Tiniyak ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel IIII na agarang ipapasa ng Senado ang mahahalagang amyenda sa Overseas Absentee Voting (OAV) Act, kabilang ang matagal nang pinapangarap ng mahigit 13 milyong Pilipino sa labas ng bansa na sila ay makapagparehistro at makaboto “online” o sa pamamamagitan ng Internet.
Ginawa ni Pimentel ang pahayag isang araw matapos isponsoran sa plenaryo ang Senate Bill No. 3312 na ipinasa ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, sa ilalim ng Committee Report No. 446.
Pasado na rin sa House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 6542, ang counterpart measure ng SB 3312.
Sa ilalim ng Amended OAV Act, hindi na kailangan pang magtungo ng mga Pilipino na nasa abroad sa iba’t ibang konsulado at embahada ng bansa para magparehisto at bumoto, bagkus ay kailangan na lang nila magbukas ng computer at kumunekta sa itatayong online registration at voting system ng Commission on Election (Comelec).
“Hindi na kakailanganin pa ng ating mga kababayan na lumiban sa kanilang mga trabaho at magbiyahe ng malayo para makaboto, na siyang nagiging malaking hadlang kung bakit mababa ang turnout ng mga botante sa nakaraang mga halalan sa ilalim ng OAV,” ani Pimentel.
Isa pang napakahalagang susog sa OAV Act ang pagtanggal sa Section 5d ng naturang batas na nag-aatas sa mga Pinoy immigrant at permanent residents ng ibang bansa na magsumite ng affidavit na nagsasabing sila’y babalik sa Pilipinas sa loob ng tatlong taon.
Inilarawan ni Pimentel ang naturang probisyon bilang “espada ni Damocles” na pumipigil sa may dalawang milyong Pinoys sa US at Canada na magpartisipa sa paghalal ng mga national officials ng Pilipinas mula sa pagkasenador hanggang sa Presidente.
“Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamalaking populasyon ng overseas workers sa buong mundo. Ngunit nakalulungkot na isa tayo sa may pinakamababang bilang ng registered OAVs sa mga bansang nagpapatupad rin ng overseas voting,” wika ni Pimentel.
Noong 2010 ay wala pang 600,000 ang nagparehistro sa OAV at 26 porsyento lang ang aktuwal na bumoto.