MANILA, Philippines - Pinawalang sala kahapon ng QC court ang tinaguriang Alabang Boy sa kasong illegal possession at pagbebenta ng cocaine noong September 2008 dahil sa technicality.
Bunsod nito, inutos ni QC RTC Branch 227 Judge Elvira Panganiban kay Supt. Hilbert Flor ng Metro Manila District Jail na palayain na mula sa kulungan si Joseph Tecson maliban kung may ibang kaso pa ito bukod sa kasong ito.
Inutos din ni Judge Panganiban sa Philippine Drug Enforcement Agency na ibigay na sa nanay ni Tecson na si Flora ang isang Nissan Frontier pick-up (XLM-326).
“The conviction or acquittal of an accused rests entirely on the strength of the prosecution’s evidence, and not on the weakness or even in the absence of the evidence of the accused,” “the court relied heavily on the evidence proffered by the prosecution, which unfortunately are replete with serious lapses, coupled with countless loopholes and great mistakes that left unexplained,” nakasaad sa desisyon ng korte.
Isinisi naman ng korte ang kabiguan ng prosekusyon na makapagprisinta ng malinaw at detalyadong litrato ng buy-bust operation ng PDEA bago at sa panahon at makatapos na arestuhin si Tecson.
Ani Judge Panganiban, ang apprehending team na umaresto kay Tecson ay bigo na magsagawa ng physical inventory at litrato ng mga nakumpiskang droga sa lugar na pinangyarihan ng pag-aresto.
Bunga nito, hindi kumbinsido ang korte na ang nakumpiskang cocaine ay kay Tecson noong Sept. 20, 2008 sa Araneta Center, Cubao.
Noong nakaraang taon, nadismis na rin ang kaso ng dalawa pang Alabang boys noong Sept. 19, 2008, na sina Jorge Josephand at Richard Brodett sa kasong illegal possession at pagbebenta ng 60 ecstacy tablets sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya na nagdidiin sa mga ito sa naturang kaso.