MANILA, Philippines - Kinasuhan sa Office of the Ombudsman ang isang alkalde ng lalawigan ng Nueva Ecija ng kanyang pitong konsehal kaugnay ng umano’y pagtanggi nitong ipatupad ang utos ng Department of Budget and Management (DBM) na iimplementa ang salary grade allocation ng mga konsehales nito na iniutos ng BDM sa pamamagitan ng circular noong Hulyo 2008.
Kasong grave misconduct at usurpation of legislative function ang isinampa nina Cesar Cajucom, Juanita De Leon, Juanito Martin, Albert Bumanlag, Lourdes Celestino, Almario Bernabe at Melody Vegiga dahil patuloy umanong tumatanggi si Aliaga Mayor Marcial Vargas na tanggapin ang implementasyon ng salary schedule para sa first class municipality na aayon sa direktiba ng DBM.
Iginiit ng mga ito na mula sa pagiging third class municipality ay umakyat ng hanggang first class municipality ang bayan ng Aliaga kung kaya’t tumaas din ang kita taun-taon ng nasabing bayan.
Nakasaad sa reklamo ng mga ito na ang nasabing munisipalidad ay may salary schedule ng pagiging first class noong Marso 2009.
Subalit tumanggi anila si Vargas na ipatupad ang inilabas na DBM circular at sa halip ay nagpalabas ang una ng oral directive para sa salary grade na pang second class municipality.
Sumulat na rin umano si Nuestra Señor Delas Saleras parish priest Rev. Fr. Danilo Cipriano kay Commission on Audit (COA) commissioner Heidi Mendoza upang matigil na ang iregularidad sa nasabing bayan.
Pinadalhan na rin ng mga nagrereklamo ng sulat si Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Austere Panadero na hinihiling ng mga ito na pansamantalang suspendehin ang nasabing alkalde habang idinidinig ang kaso sa Ombudsman.