MANILA, Philippines - Upang maibalik ang tiwala ng publiko sa paggamit ng ordinaryong tubig at mabawasan ang paggamit ng mga bottled water, hinikayat ni DOH Center for Health Development – National Capital Region (CHD-NCR) Director Eduardo C. Janairo ang mga residente na gumamit ng tap water para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kasabay nito, tiniyak ni Janairo na de kalidad, ligtas at malinis ang tubig na isinusuplay ng dalawang water concessionaires sa Metro Manila na kinabibilangan ng Maynilad Water Services, Inc. (MWSI) at Manila Water Company, Inc. (MWCI).
Ayon kay Janairo, dumaraan ang dalawang pasilidad sa buwanang eksaminasyon ng Metro Manila Drinking Water Quality Monitoring Committee upang matiyak na ligtas ang tubig ng mga ito para sa kapakanan ng mga residente ng Metro Manila.
Aniya, mas malaki ang matitipid ng mga mamamayan sa paggamit ng tubig na lumalabas sa kani-kanilang gripo kumpara sa bottled water na kanilang binibili.
Sinabi pa ni Janairo na ‘beneficial’ din sa kalusugan ng tao ang tap water dahil may taglay itong essential minerals na kinakailangan ng katawan ng tao tulad ng magnesium, na nagmamantine ng immune system at nakapagpapababa ng blood pressure.
Mayroon rin itong iron na nakatutulong naman sa maayos na sirkulasyon ng dugo para sa mas maayos na delivery ng oxygen sa katawan at sulphate na ginagamit ng katawan sa paglilinis at nagsisilbing detoxifying agent para sa mas malakas na skeletal system at nagpapatibay ng ngipin.
Nabatid na sa Metro Manila, ang isang tao ay nakakakonsumo ng halos 3,500 litro ng tubig o katumbas ng 3.5 cubic meters buwan-buwan. Ginagamit ito sa paglalaba, paghuhugas ng plato, paliligo, pag-flush ng toilet, at iba pang pang-araw-araw na gawain.