Walang ‘aggressive mode’ sa pinagtatalunang Spratly Islands!
Ito ang paglilinaw kahapon ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay ng pagtanggi na nagdeploy sila ng 800 puwersa ng Philippine Marines sa Palawan.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, ipinaliwag ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., taliwas sa napaulat na 800 ay kulang-kulang lamang sa 80 ang ipinadalang mga tauhan ng Philippine Marines na ang trabaho ay pang-administratibo ang ipinadala sa lugar.
Una rito, napaulat na may deployment umano ng mahigit sa 800 na mga binansagang ‘frontliners commando “ang Philippine Marines sa Palawan at nagbukas pa umano ng bagong headquarters para palakasin ang isinasagawang pagbabantay sa pinag-aagawang Spratly Island.
Sa panig naman ni Lt. Gen. Juancho Sabban, Commander ng AFP West Command, sinabi nito na nanatili sa ‘defensive posture’ ang kanilang puwersa sa West Philippine Sea.
Nilinaw pa ni Sabban na sapat ang kanilang puwersa para sa pagbibigay ng proteksyon sa pinag-aagawang isla at walang pangangailangan para sa karagdagang deployment .
Maliban sa Pilipinas, kabilang pa sa mga bansang nag-aagawan sa Spratly Islands ay ang Vietnam, Taiwan, Malaysia, Brunei kung saan ang pinakamapangahas ay ang China na nagtayo ng gobyerno ng Sansha City sa pinagtatalunang teritoryo.