MANILA, Philippines - Aabot sa halos 50 porsiyento sa mga kaso ng tax evasion na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ay ibinasura lamang.
Ayon sa report, ang pagdismis sa mga nabanggit na kasong criminal ay dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Batay sa data ng DOJ, umaabot sa 43 porsiyento ng mga kaso ay pinawalang-saysay dahil sa kawalan ng probable cause o batayan upang usigin sa Court of Tax Appeals.
Bagaman nadismis, naghain ng motion for reconsiderations sa DOJ ang BIR upang isantabi ang naging desisyon.
Mula Hulyo 2010 ay 129 na kaso ng tax evasion ang naisampa sa DOJ ng BIR sa ilalim ni Commissioner Kim Jacinto-Henares.
Umaasa ang BIR na makarekober ng P43.073-B tax payments sa mga kasong kanilang isinampa sa justice department.