MANILA, Philippines - Pinangunahan ng Department of Health (DOH) ang aerobic dance exercise campaign na tinatawag na “Jam Steps” upang isulong ang healthy lifestyle sa mga Pinoy at tulungan silang makaiwas sa Non-Communicable Diseases (NCDs) na ginanap sa Quezon City Elliptical Circle.
Ayon kay Health Sec. Enrique Ona, dapat na maituro sa mga kabataan ang pagkakaroon ng healthy lifestyle upang mailayo sila sa mga bisyo, tulad ng paninigarilyo na nagiging sanhi ng maagang pagsisimula ng mga smoking-related NCDs.
Ang Jam Steps aerobic dance exercise ay binuo at sinayaw ng “Ang Batang Pinoy Movement” sa Bacolod City. Maaari itong ihalo sa iba pang uri ng ehersisyo at madaling ituro sa mga kabataan upang maging advocates sila ng healthy lifestyle sa kanilang batang edad.
Batay sa pagtaya ng World Health Organization (WHO), ang NCDs ang responsable sa 70% ng pagkamatay at 60% ng disease burden sa 2020.
Sa Pilipinas, iniulat ng 6th National Nutrition and Health Survey noong 2003 na 90% ng mga Pinoy ang dumaranas ng isa o higit pang risks factors ng NCDs tulad ng smoking, hypertension, obesity, diabetes, cancer, chronic obstructive pulmonary disease (COPD) at physical inactivity.
Ayon sa DOH, ang hypertension at heart diseases ang pang-lima at pang-anim na pangunahing sanhi ng morbidity sa bansa.
Ang mga lifestyle-related diseases naman tulad ng cardiovascular diseases, COPD, diabetes, cancer at kidney disorders ay kabilang sa pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa sa ngayon.