MANILA, Philippines - Umapela ang pamilya ng pinaslang na si Doc Gerry Ortega sa Korte Suprema na tanggalan ng lisensiya ang abogado ni dating Palawan Gov. Joel Reyes, itinuturong mastermind o utak sa pagpatay kay Doc Gerry.
Sa disbarment complaint ni Mika Ortega sa Supreme Court, iginiit na lumabag si Atty. Hermie Aban sa Rule 138 ng Rules of Court at Code of Professional Responsibility.
Tinukoy sa complaint ang patuloy na paglilihim o pagkukubli ni Aban sa impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng kanyang kliyente sa mga panahong humaharap siya sa Puerto Pincesa City RTC.
Nanindigan ang pamilya Ortega na ang ginagawa ni Atty. Aban ay maituturing na obstruction of justice.
Malinaw naman anila mula sa mga nakalap na dokumento at passenger manifest ng Cebu Pacific na nagtungo sa Vietnam si Aban na hindi rin naman niya itinanggi. Batay sa mga ulat ay sinasabing kasama ni Aban ang magkapatid na Reyes ng lumabas sa bansa noong Marso 18, 2012 sakay ng Cebu Pacific flight patungong Vietnam.