MANILA,Philippines - Tiwala si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na malakas ang kasong plunder na kinakaharap ng dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Morales sa isang panayam sa Kamara, na hindi siya basta-basta lang maghahain ng kaso kung walang sapat na basehan at ebidensya.
Subalit nasa Sandiganbayan na umano ang bola dahil hindi naman kontrolado ang isipan ng mga mahisrtrado ng anti-graft court na magdedesisyon sa kaso.
Si Arroyo ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay sa umanoy naudlot na NBN-ZTE deal samantalang nangako naman ang Ombudsman na bago matapos ang kasalukuyang buwan ay reresolbahin na nila ang nakabinbing mosyon na inihain ng dating pangulo.
Samantala, hindi naman nababahala ang kampo ni Arroyo sa panibagong plunder case na kakaharapin nito matapos na akusahan ni Senador Serge Osmeña tungkol sa umanoy maanomalyang 111 bridge contracts kung saan overpriced umano ng P10 bilyon.
Paliwanag ng tagapagsalita ni GMA na si Elena Bautista Horn, dumaan sa masusing proseso ang mga kontrata sa tulay.