MANILA, Philippines - Hindi kakalas ang Nationalist People’s Coalition (NPC) party at mananatili ito sa alyansa ng Liberal Party ni Pangulong Aquino.
Ito ang mariing sinabi kahapon ni Valenzuela Rep. Rex Gatchalian, spokesman ng NPC, matapos nitong pabulaanan ang sinabi ni Sen. Tito Sotto na kakalas sa administration coalition ang kanyang partido.
Napag-alaman, nag-uusap na daw ang NPC at LP kasama pa ang dalawang political party.
Giit ng kongresista, matatag ang pakikipag-alyansa nila sa LP para sa darating na 2013 mid-term elections at bilang katunayan umano patuloy ang kanilang proseso para sa mas maayos na pakikipag-alyansa.
Ayon sa ulat, sinabi ni Sen. Sotto na maaring kumalas ang NPC kung hindi masusunod ang equity of the incumbent sa mga lokal na posisyon.
Iginiit nito na baka iba ang interpretasyon sa pahayag ni Sotto o nabigyan ito ng maling impormasyon nang magbigay ng statement tungkol sa susunod na hakbang ng NPC kapag nagkaproblema sa isyu ng equity of the incumbent.
Nauna rito, nalagay si Sotto sa kontrobersya dahil sinasabing kinopya lamang nito ang bahagi ng kanyang speech sa pagtutol sa pagsasabatas ng Reproductive Health bill.