MANILA, Philippines - Dahil umano sa pagsisinungaling, nahaharap sa kasong contempt ang tatlong resource person sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado sa smuggling ng bigas mula sa Vietnam na muling dinaluhan ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon.
Sinabi ni Agriculture Committee Chairman Sen. Francis Pangilinan, binibigyan nila ng 5 araw para magsabi ng totoo sina Jan Dexter Marfil, president at CEO ng Masagana Import Export Inc., broker; Magdangal Diego Maralit Bayani III at Cesar Bulaong, vice president ng Metro Eastern Trading Corp.
Nabatid na ang tatlong resource person sa magkakahiwalay na okasyon ng pagdinig ay nagsisinungaling sa komite na ikinairita ng mga senador.
Ayon kay Pangilinan, si Marfil ay accountable nang sabihin nitong ginaya ang kanyang pirma at wala siyang alam sa pagpasok ng Vietnamese rice sa Subic Freeport na idineklarang gypsum board ang laman ng mga container van.
Si Bayani naman ay ayaw sagutin ang tanong ng mga senador at habang si Bulaong naman ay malayo ang sagot sa mga tanong.
Matatandaan na nasabat ng mga tauhan ni Biazon ang 420,000 sako ng bigas mula sa India na aabot sa halagang P500 milyon noong nakaraang buwan sa naturang pantalan.
Habang nagaganap ang pagdinig sa Senado, nabatid na nabuking ang balak na pagbebenta nang smuggled na bigas sa bansa at hindi para sa ibang bansa.
Ang patuloy na pagdalo ni Biazon sa hearing ay upang ma-monitor nito ang status ng imbestigasyon hinggil sa rice smuggling at malaman nito kung sino ang mga naging kasabwat ng mga smuggler upang ito ay maparusahan.