MANILA, Philippines – Itinuturing na milagro dahil makaraan ang mahigit dalawang linggong pagkaka-comatose matapos mabaril ng isang holdaper sa naganap na holdapan sa jeep sa Quezon City noong nakalipas na buwan, gumising na si graduating Philippine Military Academy (PMA) Cadet Alfonso Aviles.
Ayon kay Lizzie de Jesus ng Public Affairs Office ng AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City, naidilat na ni Aviles ang kanyang mga mata. Sinabi ni de Jesus, ayon sa mga doktor ni Aviles ay isang milagro ang paggising ng nasabing kadete na pilit na lumalaban para mabuhay.
“A miracle happened …the patient fought to live, he is now on his way to recovery,” ani de Jesus.
Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal ay inalis na sa Intensive Care Unit si Aviles at inilipat na ito sa regular na ward room sa AFP medical center kung saan kasalukuyan itong nagpapagaling.
Ayon naman kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., naididilat at naisasara na ni Aviles ang kanan nitong mata gayundin naigagalaw na nito ang kanang bahagi ng kaniyang katawan.
Sa kabila nito dahilan delikado pa ay hindi muna gagalawin ng mga doktor ang balang tumagos sa balikat ni Aviles kung saan patuloy itong sasailaim sa physical therapy.
Magugunita na noong Agosto 25 ay nanlaban si Aviles matapos na magdeklara ng holdap ang isang armadong holdaper na nabaril ito sa leeg kung saan naglagos ang bala sa kaniyang mukha at may tama rin sa balikat. Ang insidente ay naganap sa panulukan ng Regalado at Mindanao Avenue sa Brgy. Greater Lagro, Fairview, Quezon City.
Nabatid na nagtungo lamang sa Metro Manila si Aviles dahilan kabilang ito sa magsisilbi sanang proctor sa isa sa mga testing center kaugnay ng katatapos na entrance examination sa PMA.
Samantala, labis namang ikinatuwa ng pamilya ni Aviles ang milagrong paggising nito mula sa comatose dahilan sa pangarap nitong maka-graduate sa nasabing premyadong institusyon ng AFP.