MANILA, Philippines – Isang araw matapos ihayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa Russia na pinagreretiro na niya ng maaga si Philippine National Police Chief Director General Nicanor Bartolome, nagpahiwatig na ng pamamaalam ang heneral kahapon sa mahigit 140,000 malakas na puwersa ng kapulisan sa buong bansa.
“ Ako po ay nagpapasalamat, ako’y nasisiyahan na nakasama ko kayo sa loob ng isang taon ko sa PNP”, pahayag ni Bartolome na nagpapahiwatig ng paglisan sa napipinto nitong maagang pagreretiro sa serbisyo matapos ang flag raising sa Camp Crame kahapon.
Si Bartolome ay natalagang ika-17 hepe ng PNP noong Setyembre 9 ng nakalipas na taon na mahigit isang taon na bilang pinuno ng kapulisan.
Nabatid rin na nagsisimula ng mag-ikot sa tanggapan ng mga Regional Directors si Bartolome upang magbigay ng kaniyang huling kautusan bago ang maaga nitong pagreretiro bilang PNP Chief.
Una dito ay napaulat na itatalaga ng Pangulo si Bartolome sa DILG kapalit ni Usec Rico Puno na sinasabing ililipat naman sa Department of Agriculture.