MANILA, Philippines - Nagpasalamat si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa Department of Labor and Employment (DOLE) National Capital Region (NCR) dahil sa pakikipagtulungan nito sa lokal na pamahalaan na naging dahilan upang magtagumpay ang programang Labor Education for Graduating Students (LEGS).
Dahil dito, umabot sa 23,247 college graduating students ang nakinabang sa LEGS na layuning maturuan ang mga magtatapos sa kolehiyo kung paano makakuha ng maayos na mapapasukang trabaho.
Ayon kay Echiverri, ang proyektong ito ng lokal na pamahalaan at ng DOLE-NCR ay isang paraan upang matulungan ang mga magtatapos sa kolehiyo kung paano matatanggap sa kanilang aaplayang trabaho.
Kabilang sa itinuturo sa LEGS ay ang mga paraan kung paano haharap sa interview, tamang pagsasalita, pananamit, pagsagot at iba pa na siyang makatutulong sa mga college graduating students na matanggap sa papasukang trabaho.
Nabigyan din ng seminar ang 42,143 high school students ng kaalaman sa pagkuha ng tamang kurso sa kolehiyo.