MANILA, Philippines - Dapat na umanong humanap si Pangulong Aquino ng isang malinis at matuwid na opisyal na mamumuno sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na siyang tunay na mangangalaga sa ating kalikasan.
Ayon kay Fr. Pete Montallana, chairman ng Save Sierra Madre Network Alliance, masyado nang talamak ang kasinungalingan sa DENR na humahantong pa sa pagtatanggol ng mga opisyal nito sa mga indibidwal at kompanyang sumisira sa kalikasan ng bansa.
Wala anyang problema ang Executive Order 23 na nag-uutos na magkaroon ng moratorium sa pamumutol ng mga punongkahoy sa kabundukan kung kumikilos lang ang DENR sa pagsupo sa illegal logging.
Nagsumbong na rin umano sila kay DENR Sec. Ramon Paje ukol sa katiwalian ng ilan niyang tauhan sa mga lalawigan pero patuloy lang na nagtataingang-kawali ang kalihim.
Gaya ng nakaraang taon, dalawang truck ng fresh-cut lumber mula sa Ifma (Integrated Forest Management Agreement)-holder Integrated Development Corp. ang nasabat ng Casiguran, Aurora police sa pakikipagtulungan ng LGU officials, mga pari at mamayan dito pero imbes na sila’y suportahan, ipinagtanggol pa umano ng DENR office dito ang nasabing kompanya.