MANILA, Philippines - Kumpiyansa si Senator Panfilo “Ping” Lacson na 14 senador ang susuporta sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) Bill.
Isa si Lacson sa na niniwala na kailangang maipasa ang RH Bill dahil masyado na umanong mataas ang maternal at infant mortality rate sa bansa.
Sa ngayon umano ay dalawa lang naman ang lantarang kontra sa pagpasa ng RH Bill at ito ay sina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Majority Leader Vicente Sotto.
Naniniwala ang senador na sa sandaling makita ng mga kasamahan niya na mas marami ang boboto sa pagpasa ng panukala ay tiyak na sasama na rin ang mga ito.
Kabilang din sa mga nagsusulong ng panukalang batas sa Senado sina Sens. Miriam Defensor-Santiago at Pia Cayetano.
Samantala, sinabi ni House senior deputy majority leader Janette Garin na gusto ng mga kongresistang pabor sa RH bill na limitahan ito sa poorest of the poor na natukoy sa ilalim ng National Household Targeting System for Poverty Reduction program.
Sa ganitong paraan aabot sa 5.2 hanggang 5.7 milyong pamilya ang matutulungan ng programa.
Hindi rin umano ma giging sapilitan ang pagpapagamit ng contraceptives at tanging ang mga mag-asawa na nais gumamit nito ang bibigyan ng contraceptives ng Department of Health, mga lokal na pamahalaan at distribution centers.
Ayon kay Garin, maaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala bago matapos ang taon.