Manila, Philippines - Nakahandang ipagpaliban ni Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya ang pag-upo nito bilang bagong kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC) hanggang maisalang sa third reading ang panukalang 2013 national budget.
Sinabi ni House Majority Leader Neptali Gonzales na batay sa napag-usapan, patuloy pa rin umanong uupo bilang chairman ng House appropriations committee si Abaya.
“Tinanong ko sa kaniya, ‘So, ano’ng balak mo?.. Ang nasabi niya sa akin he can delay naman his assumption into office. Kasi ang budget (deliberation) will start next week and then he can delay it up to the time na mag-third reading kami, which is about October 15,” ani Gonzales.
Una ng tiniyak ng House leadership na hindi maapektuhan ang pagtalakay nila sa panukalang P2-trillion budget para sa susunod na taon.
“Napakahirap naman na kung kailan idi-deliberate iyan sa plenary ay saka ka magpapalit ng chairman,” dagdag ng majority leader.