Inilunsad ni Sen. Koko: Anti-daya sa halalan inilarga

 Manila, Philippines - Inilunsad ni Sen. Koko Pimentel ang ‘Kontra Pandaraya Movement’ (KPM) para tapusin ang mga kalokohan at pandaraya sa gobyerno at private sector bilang proteksyon ng mamamayan.

Sinabi ni Sen. Pimentel, marami ang naloloko at nadadaya na kalimitan ay hindi na lamang kumikibo kaya sa itatag niyang KPM tiyak magkakaroon ng malaking pagbabago ang mga mabibiktima nito.

Wika pa ni Pimentel, na naging biktima ng pandaraya noong 2007 senatorial election, kaya hindi siya tumigil sa pag­laban dito ay upang huwag nang maulit ang pandaraya.

Sabi ni Pimentel sa kanyang itinatag na ‘kontra pandaraya movement’ tiyak marami siyang matutulungan lalo na ang mga mahihirap na malimit ay biktima ng mga panloloko na kadalasan ay walang masumbungan.

“Sa aking mga pagbisita sa iba’t ibang parte ng bansa, ay nakita ko na marami sa ating mga kababayan ang walang mapagsumbu­ngan kapag sila’y na-aagrabyado, kaya’t minabuti ko na ilunsad ang Kontra Pandaraya Movement upang makatulong sa kanila sa abot ng aking makakaya,” sabi ni Pimentel.

Idinagdag pa ng mam­babatas na bukod sa dayaan sa halalan ay pagtutuunan din nila ng pansin ang mga pandaraya sa educational at pension plans, pandaraya ng singil sa pamasahe, tubig, kuryente, overpricing sa mga pa­ngunahing bilihin at iba pang uri ng mga maling palakad.

Hihimukin ni Pimentel ang ibang abogado at mga organisasyon na sumali sa kanyang adhikain para tulungan at tapusin na ang pang­aabuso.  

Ayon kay Pimentel dapat magkaisa para tulungan ang mga ina­api at sumama ang mamamayan sa ‘Kontra Pandaraya Movement’ para labanan at sugpuin ang pandaraya at panloloko.

Show comments